ABS-CBN News

EXCL: Cops arrest 2 women over fake bills

Posted at | Updated as of 06/21/12 10:53 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Makakalibre na sana ng pagkain sa isang mall sa Mandaluyong sina Jonabell Candaw at Mylene Ancobe.

Pero hindi nakalusot ang dalawa dahil pagka-order pa lang daw ng pagkain, buking na ang ang dala nilang pekeng pera.

“Bumili sila ng spaghetti, inabutan nila ng P200 bills. Napansin ng teller sa counter na suspicious ‘yung bills,” sabi ni SPO1 Edmundo Fabila, imbestigator ng Mandaluyong PNP.

Hindi lang sa wallet nakita ang pekeng pera, pati sa iba't ibang bahagi ng kanilang katawan.

Mismong sila na rin ang umamin na nakalusot na pala sila sa isa pang mall gamit ang pekeng pera.

“Ako, umpisa ko pa lang po,” sabi ni Jonabell, isa sa mga suspek.

“Eighteen pieces lang, P3,000 lang po,” sabi naman ni Mylene.

Binibili umano nila ang kontrabando sa presyong kalahati ng halagang nakasaad dito.

Bukod sa mall, madalas din daw na biktima ng pekeng pera ang mga gasoline station.

Nang mangyari ito kay Annabelle Carascal, naging mausisa na siya.

“’Yung papel dapat medyo magaspang siya, hindi ‘yung madulas. Tapos ‘yung sinasabi nilang sako sa tabi ng pera. Hindi namin alam kung sinasabay siya sa maraming transaction,” sabi ni Annabelle.

Samantala, may paraan naman para malaman kung totoo ang pera.

Ayon sa alituntunin ng Bangko Sentral, may watermark na nakikita sa kanang bahagi ang mga lumang pera.

Mayroon din dapat itong security thread.

Ang mga bagong pera naman, dapat may nakatagong imahe sa kaliwang bahagi kapag inaanggulo.

Iba rin ang kulay ng pekeng pera kumpara sa tunay na pera.

Ang mga gagamit ng mga pekeng pera ay puwedeng magmulta ng hanggang P2,000 o makukulong depende sa bigat ng pagkakasala. Jacque Manabat, Patrol ng Pilipino