ABS-CBN News

PAGASA rolls out new rain warning system

Posted at | Updated as of 06/20/12 6:47 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Marami ang nagulat sa lakas ng ulan kahapon sa Metro Manila kahit wala namang public storm warning signal na inisyu ang PAGASA.

Paliwanag ng PAGASA, tanging lakas ng hangin kasi ang tinutukoy ng public storm warning signal.

Kaya naglunsad sila ng Rainfall Warning Decision Support System o RWDSS.

Sa bagong sistemang ito, may hiwalay na warning para sa thunderstorm o pagkulog at pagkidlat at rainfall o pag-ulan.

“Ang thunderstorm kasi hindi siya kasing lakas ng malalakas na bagyo pero puwede din ito maka-damage,” sabi ni Maria Cecilia Monteverde, project leader ng RWDSS.

“We are empowering the people kung ano ang critical sa kanila. Again, this is decision support, critical ba ito, magdadala ka ba ng payong?“ sabi naman ni Dir. Raymund Liboro, spokesman ng Department of Science and Technology.

May tatlong antas ang thunderstorm warning.

Una'y information lang kung walang inaasahang thunderstorm sa lugar.

Ikalawa ang watch kapag sa loob ng 12 oras ay may mamumuong thunderstorm at warning kapag nagbabanta ang thunderstorm sa loob ng dalawang oras.

Color-coded naman ang babala para sa rainfall o bubuhos na ulan.

Ang level 1 ay yellow warning o advisory pa lang.

Ibig sabihin, 7.5 millimeters (mm) hanggang 15 millimeters ang dami ng ulan sa loob ng isang oras.

Green warning kung mahigit 15 mm hanggang 30 mm ang bubuhos sa loob ng isang oras.

Red warning o emergency naman kapag inaasahan na ang matinding pagbaha at kailangan na ang paglikas dahil mahigit 30 mm na ang bubuhos na ulan sa loob ng isang oras.

Magsisilbing gabay ang warning system na ito sa publiko kung babaha sa kanilang lugar.

Ang Metro Manila muna ang magsisilbing pilot area para sa bagong warning system ng PAGASA.

Sa susunod na taon pa ito puwedeng gamitin sa ibang bahagi ng bansa kapag kumpleto na ang impormasyon na hawak ng ahensya.

Kaya kapag may bagyo, bukod pa sa public storm warning signal, may hiwalay na warning na ilalabas ang PAGASA ukol sa dami ng ulan sa tulong ng NDRRMC at MMDA. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino