Tulfo eyes attempted homicide raps vs Santiagos

Posted at Jun 13 2012 09:17 PM | Updated as of Jun 14 2012 05:17 AM

Ngayon lang daw nanunumbalik ang ilang alaala ni Mon Tulfo sa traumang epekto nang mabugbog ng mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto at ng ilan pa nilang kasama sa NAIA noong isang buwan.

Ayon kay Tulfo, sa tatlong beses na pagsugod umano sa kanya ng mga Santiago matapos niyang kunan ng litrato si Claudine, malinaw na intensyon nilang patayin siya.

“These are three stages and all of these stages, ang aggressor is the camp of the Santiago couple,” sabi ni Atty. Jovito Barte, abogado ni Tulfo.

Dagdag ni Tulfo, naikuwento raw sa kanya ng Customs Police na si Marlon Atengco na nagtangka raw ang kaibigan ng mga Santiago na si Eduardo Atilano na agawin ang kanyang baril sa gitna ng gulo.

“Tinutulungan nila ‘yung kapwa nila pulis at ‘yung mga guwardya na ma-preserve o ma-retain ‘yung baril ng pulis na inaagawan. Talagang gusto yata akong patayin,” sabi ni Tulfo.

Dahil dito, desisyon ngayon ni Tulfo na iakyat ang kanyang reklamo sa attempted homicide, mula sa kasong physical injury.

Pero ayon sa abugado ng mga Santiago, mahina ang kanilang basehan.

“Maliwanag naman na ang pangyayaring ‘yun ay biglaan lang at hindi pinagplanuhan so malabong masabi na ito ay pagtatangka sa kanyang buhay,” sabi ni Atty. Herbert Matienzo, abogado ng mga Santiago.

Dalawang affidavit ng mga testigo ang sinumite kanina ni Tulfo sa pagdinig, kabilang ang isang pasahero na nakita raw ang pangyayari kung saan si Raymart ang unang nanuntok.

Hirap pa rin makakuha ng testigo ang kampo ni Tulfo, kaya balak nila ngayon ipa-subpoena ang mga nakakita sa insidente. Niko Baua, Patrol ng Pilipino