65 tiklo sa paglabag ng mga ordinansa sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2016 09:41 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Dinala sa presinto ang nasa 65 katao matapos mahuling lumalabag sa iba't ibang ordinansang panlungsod sa Sampaloc, Maynila nitong Sabado ng gabi.

Sa isinagawang "One Time Big Time" operation, sinuyod ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) Station 4 ang mga kalsada.

Labing-dalawang lalaki ang nahuling umiinom sa pampublikong lugar habang 18 kalalakihan ang dinakip dahil sa nakahubad ng pang itaas.

Nirescue naman kasama ng Manila Social Welfare And Development ang hindi bababa sa 35 menor de edad na nasa lansangan.

Ayon kay Inspector Artemio Armada, spokesperson ng Sampaloc police station, parte ito ng paghahanda ng kapulisan sa papalapit na araw ng pasukan sa Hunyo 13. Kabilang anya ang University Belt area sa mga target ng kani lang pag-iikot.

Samantala, nahuli naman ang apat na lalaking naaktuhan gumagamit ng pinagbabawal na gamot sa isang kubol sa tinatawag nilang "maisan" sa Geronimo Street sa Barangay 835, Zone 44.

Kinilala ang mga suspek na sina Jobert Tusi, Alex Reyes, Jessie Rosete atJardine Rosales.

Nakuha mula sa kanila ang isang sachet ng hinihinalang shabu, mga gamit na aluminum foil at iba pang drug paraphernalia.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nahuling suspek.

- DZMM TeleRadyo, 12 Hunyo 2016