50 timbog sa Oplan galugad ng QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2016 09:50 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nasa 50 indibidwal ang nahuli ng pinagsamang puwersa ng pulisya at mga opisyal ng barangay sa isinagawang Oplan Galugad sa Payatas, Quezon City, Sabado ng gabi.

Tatlumpu sa mga dinampot ay pawang menor de edad na lumabag sa ordinansa ng curfew.

Sinuyod ng nasa 120 pulis at tanod ang mga eskinita sa Payatas, kung saan bukod sa mga menor de edad, hinuli rin ang mga nag-iinuman sa kalye at nakahubad.

Arestado naman ang dalawang lalaki matapos mahulihan ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu. Kinilala ang mga ito na sina Jestoni Manceleto, 22 anyos at Joemar Frugal, 27 anyos.

Ayon kay barangay tanod na si Robert Arca, tinangka ng mga ito na tumakbo nang dumating ang mga pulis kung kaya't agad silang hinuli at kinapkapan.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, aminado naman si Inspector Emil Garcia, commander ng police community precinct 5, na talamak talaga ang droga sa Payatas. Sa katunayan, kinumpirma ni Garcia na isa ang Payatas sa 10 pinakamagulong lugar sa Quezon City.

Tuloy-tuloy naman anya ang kanilang operasyon para matimbog ang mga nagtutulak ng droga sa lugar.

- DZMM TeleRadyo, 12 Hunyo 2016