'BMPM Tayo Na' campaign launched

Posted at Jun 12 2012 10:09 PM | Updated as of Jun 13 2012 01:07 PM

Bumuhos man ang malakas na ulan sa Quezon City Memorial Circle kanina, hindi pa rin nagpaawat ang marami para magparehistro bilang mga Bayan Patroller sa pagsisimula ng Bayan Mo iPatrol Mo at ang level up nang slogan na “Tayo Na!”

Maalab ang damdamin ng mga Bayan Patroller na makibahagi sa pagbabantay sa darating na halalan.

“Kailangan po natin bantayan muna kung sino ang dapat iboto ng mga tao,” sabi ni Bayan Patroller Aunell Ross Angcos.

Katuwang din ng BMPM ang Commission on Elections (Comelec) sa pagbabantay sa 2013 election.

Patunay dito ang manifesto na pinirmahan nila kanina.

Iisa rin ang mensahe ng mga naging tagapagsalita kanina -- ang pagsasama-sama ng lahat para matiyak ang malinis na halalan.

“Let us not forget that the right to vote is the ultimate expression of our democracy,” sabi ni Comelec Commissioner Elias Yusoph.

“’Tayo na!’ is a reiteration of our commitment and a reaffirmation of our mission to bring about change in the country,” sabi ni ABS-CBN News and Current Affairs Head Ging Reyes.

“Tandaan po natin, ngayong halalan muli pong susubukan ang galing ng poder ng bawat mamamayang Pilipino,” sabi ni Ted Failon.

“Panahon na talaga ng technology ngayon. Huwag nating sayangin ang pagkakataon na mayroon tayong cell phone na may camera. Gamitin natin ito sa makabayan at makabuluhang pamamaraan,” sabi ni Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Pinarangalan din ang mga natatanging Bayan Patroller na aktibong nakikibahagi sa mga aktibidad ng BMPM, nagpadala ng mga video na nangangailangan ng agarang aksyon at ika-114 na Bayan Patroller na nagparehistro.

Higit ding sumaya ang selebrasyon dahil sa mga performer tulad ng Itchyworms, Kitchie Nadal, Barbie Almalbis, Ebe Dancel at marami pang iba.

Ibinahagi rin ng dzMM ang kanilang Teaching, Learning and Caring Program sa mga bata na dumalo rin sa okasyon. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino