EXCL: Cop tagged in Manila robbery surfaces

Posted at Jun 06 2012 09:37 PM | Updated as of Jun 07 2012 05:37 AM

Ilang araw ding hindi nagpakita si PO3 Morris Malindog sa Manila Police District matapos siyang iturong sangkot sa panloloob sa isang pamilya sa Sta. Ana, Manila.

Pero kanina, nagpasya na siyang lumantad para itanggi ang mga akusasyon laban sa kanya.

Si Malindog at si PO1 Robert Cruz at isa pang kagawad ng barangay ay positibong itinuro ng pamilya na nanutok ng baril sa pamilya Bagui at nangulimbat ng kanilang mga gamit na nagkakahala ng P2 milyon bago tuluyang tumakas noong May 30.

Pero ayon kay Malindog, wala siya sa bahay ng mga Bagui noong gabing iyon.

Rumesponde raw siya sa isang sumbong ng riot sa Pedro Gil, Manila.

“Noong May 30, 2012, around 8 p.m., nasa opisina ako ng station 6. Si SPO1 Meneses, humingi ng responde sa amin kasi nga may riot,” sabi ni Malindog.

Ipinakita pa ni Malindog ang kopya ng log book ng station 6 na umano'y magpapatunay na nautusan siyang ayusin ang problema sa Pedro Gil.

“8:40 nang dumating kami doon. Kinausap ko ‘yung kagawad, pero sabi ni kagawad OK na. Tapos nagbalikan na kami,” sabi ni Malindog.

Nagsumite rin ng hindi notaryadong affidavit ang ilang kasamahan ni Malindog na nagsasabing magkakasama sila sa Pedro Gil noong gabing manakawan ang bahay ng pamilya Bagui sa Sta. Ana.

Pero naniniwala si Malindog na matibay ang kanyang ebidensya.

“Paano ko magagawa na maging involved sa isang nakawan eh nu’ng ganoong oras ay nagsisilbi ako sa bayan. Bakit ako? Siguro may kamag-anak ‘yan na nasagasaan namin sa trabaho,” sabi ni Malindog.

Matapos ang panayam ng news team, dumiretso si Malindog kay NCRPO chief Allan Purisima para linisin ang kanyang pangalan.

Pero nagpasya si General Purisima na i-turn over si Malindog sa MPD.

Agad namang sinundo si Malindog ng mga tauhan ng MPD kung saan inilagay siya sa restrictive custody.

“It is a preventive measure na hindi siya muna umalis ng kampo habang iniimbestigahan siya,” sabi ni Atty. Dennis Wagas, legal division ng MPD.

Umaasa si Malindog na magkaroon ng patas na imbestigasyon at pakikinggan ang kanyang panig para malinis ang kanyag pangalan.

Positibo nang itinuro ng tatlong miyembro ng Bagui family si Malindog na responsable sa krimen sa kanilang bahay.

Pagkatapos nito ay mag-uumpisa na ang inquest proceedings.