Student nabbed over extortion try via social media

Posted at Jun 01 2012 11:16 PM | Updated as of Jun 02 2012 07:16 AM

May isang buwan na ring balisa ang third year high school student na si alyas “Robert.”

Hindi niya alam kung saan kukuha ng P15,000 hinihingi sa kanya ni Yuri Kimberly na naging kaibigan niya sa Internet.

Nang minsang mag-sex chat ang dalawa, hiningan ni Kimberly ng hubad na larawan si Robert at ipina-upload sa Facebook.

Pagkatapos noon, nagbanta si Kimberly kay Robert na kung hindi siya magbibigay ng pera, ikakalat niya sa Internet ang mga hubad na larawan ni Robert.

“Hindi ako makatulog tapos laging pinagpapawisan. Baka ikalat niya kasi ang pictures. Kasi may deadline siya hanggang Sunday,” sabi ni Robert.

Sa Facebook na inuutos ni Kimberly kung saan ilalagay ni Robert ang pera.

Hanggang hindi na matiis ni Robert, inamin na niya sa mga magulang at humingi na rin ng tulong sa NBI.

“Humingi ako sa mama ko, ayaw niya ko bigyan, humingi ako sa lola ko. Bago ako humingi inisip ko kung sasabihin ko o hindi, sinabi ko na lang sa lola ko,” sabi ni Robert.

Ayon sa NBI Technical Investigation Division, malamang na ka-eskuwela rin ni Robert ang nang-e-extort sa kanya dahil alam ang pasikut-sikot sa eskuwelahan.

“’Yung suspect demanded the money to be placed in certain portions of the school. Because of this, we had a suspicion that the subject must really be connected or a student of the school,” sabi ni Palmer Mallari, hepe ng Technical Investigation Division.

Nag-install ng surveillance camera sa lugar kung saan ipinalagay ni Kimberly ang pera sa isang classroom.

At sa surveillance video, kitang-kita nang kunin ng batang lalaking ito ang notebook na pinag-ipitan ng pera.

Siya pala si alyas “Jeffrey” na high school student din sa eskuwelahan.

Noong una, sinabi nito na napag-utusan lang daw siya ni Kimberly na kunin ang pera.

Hati raw sila sa P3,000 na nakuha niya.

Pero kalaunan, inamin na rin niyang siya at si Kimberly ay iisa.

Makakasuhan si Jeffrey ng extortion at child abuse.

Ang problema, menor de edad din si Jeffrey.

Ayon sa NBI, classic example ito ng cyber-bullying.

At hindi malayong mangyari kahit kanino lalung-lalo na sa mga batang lulong na lulong ngayon sa social media.

Kaya’t payo ng NBI, gabayan ang mga bata sa social media. Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino