Polish nabbed for alleged West African drug group link

Posted at May 30 2011 10:37 PM | Updated as of May 31 2011 06:37 AM

Noong May 19 nang masakote ng NBI Reaction, Arrest and Interdiction Division sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 si Media Aprideri, isang Indonesian.

Nakuha sa maleta niya ang mahigit tatlong-kilong shabu na nagkakahalaga ng P17 million.

Galing Bamako, Mali, Africa ang shabu na nailusot ni Aprideri sa Ethiopia.

Nakita ito sa X-ray sa Dubai airport kaya't itinimbre sa Pilipinas.

Kahit hawak na ng awtoridad, tinatawagan pa rin siya ng Nigerian na nagpadala sa kanya ng droga.

Samantala, isang drug courier naman sana ang kukuha sa maleta para dalhin sa Malaysia.

Agad ikinasa ng NBI ang operasyon sa isang hotel sa Malate.

I-chineck-in si Aprideri para ibigay ang maleta sa drug courier pero walang dumating.

Sabado ng madaling-araw, muling i-chineck-in ng NBI sa isa pang hotel sa Ermita si Aprideri.

Maya-maya, bumulaga si Barbara Eva Ziontkowska, isang Polish na umaming siya ang courier na kukuha ng maleta.

Depensa ni Barbara: Hindi niya alam na shabu ang kanyang kukunin. Inutusan lang daw siya ng kayang African boyfriend na kunin ang bag.

"My boyfriend tell me this is not drugs, only bottle of chemicals," ani Ziontkowska.

Kinasuhan si Ziontkowski ng paglabag sa Dangerous Drugs Act.

Ayon pa sa NBI, umaabot na sa 15 ang dayuhang drug mules na nahuhuli ng awtoridad mula nitong Enero. Jerome Lantin, Patrol ng Pilipino