Couple using kid in store rob caught on CCTV

Posted at May 24 2012 11:21 PM | Updated as of May 25 2012 11:00 AM

Inalerto ng pulisya ang mga mamimili at tindera sa Divisoria lalo't inaasahang dadagsa ang mas maraming mamimili.

Dahil malapit na ang pasukan, bentahan ng school supplies gaya nito ang target ng mga suspek kaya’t pinag-iingat ng mga opisyal ng barangay ang lahat dahil naglabasan ang iba't ibang modus operandi ng nakawan.

Sa isang tindahan dito sa Divisoria, nakunan ng CCTV ang babaeng ito na tumitingin ng school supplies kasama ang asawa at anak na tinatayang nasa limang taong gulang.

Itinabi ng babae ang apat na kahon ng lapis. Habang ang mister niya, inayos ang maluwag na damit ng karga niyang bata. Ilang sandali pa, inipit na ng lalaki ang mga kahon ng lapis sa pagitan nila ng kanyang anak sabay takas.

“Nagmamadali kasi ‘yung lalaki. Hindi na puwedeng mahabol,” sabi ng tindera.

Nasa P2,000 halaga ng school supplies ang natangay ng lalaki.

Ayon sa DSWD, may epekto sa bata ang ginawa ng mga suspek. Malilito ito kung ano ang tama at mali.

“May psychological effect ‘yan. Hinuhulma pa lang ‘yung kanyang pag-iisip at values. Ipinagbabawal ang exploitation ng mga bata,” sabi ni Atty. Tricia Clare Oco, executive director ng Juvenile Justice and Welfare Council.

Sakaling mahuli ang mga suspek, makakasuhan sila ng theft at child abuse, at posibleng makulong ng mahigit anim na taon, habang sasailalim sila sa rehabilitasyon ng DSWD, at dadaan naman sa counseling ang kanilang anak. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino