Kidnapper in Manila also took infant in QC

Posted at May 17 2012 10:41 PM | Updated as of May 18 2012 11:12 AM

Batay sa footages ng CCTV camera at sa paglalarawan ni Mary Jane Abes sa mga pulis, nabuo ang computerized facial composite sketch na ito ng babaeng nagnakaw ng kanyang dalawang linggong gulang na anak na si Baby John.

Tinangay ng isang nagpakilalang Jenny ang sanggol habang abala sa pag-grocery si Mary Jane matapos itong pautangin ni “Jenny."

Ayon sa mga pulis, nang ikumpara nila ang computerized sketch ni alyas “Jenny” sa babaeng nagnakaw naman ng isa pang kapapanganak din na sanggol sa Quezon City, iisa ang kanilang itsura.

Bilog ang mukha, nakatali ang buhok, malaki ang ilong at bibig.

“Iisang tao lang itong hinahabol natin dahil sa Quezon City case, ang ginamit niyang pangalan ay Jennifer dela Cruz, sa Maynila ay Jenny. Dapat maipakalat natin ito, na ito ang babaeng kumuha ng dalawang sanggol na,” sabi ni Supt. Emma Libunao, hepe ng Women and Children's Protection Division ng Criminal Investigation and Detection Group.

Iisa rin daw ang modus na ginawa.

Kuwento naman ng nanay ni Baby Alex na taga-Quezon City, nag-alok ng tulong ang suspek sa pagpapa-check-up ng mag-ina.

At habang abala ang nanay sa kanyang check-up, itinakas ng suspek ang tatlong linggong gulang pa lang na sanggol.

Sabi ng Philppine National Police, mas madali raw kasi ibenta ang mga sanggol dahil magbabago pa ang kanilang mga itsura at mado-doktor pa ang birth certificate.

Hindi pa rin naman nawawalan ng pag-asa ang mga nanay ng mga nakidnap na mababalik pa ang kanilang mga anak.

“Umaasa ako na makikita ko pa rin ang anak ko, na maibabalik ko pa din siya,” sabi ni Mary Jane.

Ipinakalat na rin sa barangay ni Mary Jane ang larawan ng suspek.

May P35,000 ding pabuya mula sa mga opisyal ng Maynila para sa sinumang makatutulong sa ikahuhuli ng suspect.

Pwedeng mag-text o tumawag sa hotline ng Barangay 306 sa Quiapo, Maynila para sa anumang impormasyon. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino