Man dies after ex-soldier hostages couple in Manila

Posted at May 16 2012 11:41 PM | Updated as of May 17 2012 07:41 AM

Napuno ng tensyon ang M. dela Fuente St. sa Maynila kanina matapos i-hostage ng isang dating sarhento ng Army ang mag-asawa niyang kaibigan na nakatira sa lugar.

Bandang ala-1:30 ng hapon nang simulang i-hostage ni ex-Master Sgt. Juanito Vergante sina Luzviminda at Dan Dumduma.

Bago ang insidente, narinig daw ng mga kapitbahay na nagkakasigawan sa loob ng bahay.

Makikita rin na ilang beses tumatayo ang biktimang si Luzviminda.

Batay sa imbestigasyon, bumisita ang suspek sa mag-asawa.

Pero nakaalitan daw ng suspek ang lalaking biktima.

Doon na raw bumunot ng baril ang suspek at hinostage ang mag-asawa.

Ilang oras tumagal ang negosasyon.

Eksaktong alas-3:30 ng hapon nang bumaba ang suspek at nakipag-usap sa mga pulis.

Kinalaunan, initsa nito ang hawak na kalibre .45 baril.

Pero diskumpiyado ang mga pulis dahil nakatago ang kamay nito sa likod.


“May bag siya eh at inamin niya na may granada,” sabi ni Insp. Johnny Gaspar ng Manila Police District (MPD).

At ‘di nga nagtagal nangyari ang kinatatakutan ng lahat, itinapon ni Vergante ang granada.

Nagtakbuhan ang mga tao sa takot.

Pero suwerteng hindi ito pumutok.

Hindi nagtagal sumuko nang tuluyan si Vergante na agad dinampot ng mga pulis.

Nang humupa ang tensyon, doon na napag-alaman na patay na pala ang ang isa sa biktima na si Dan dahil sa tama ng bala.

Dinala naman sa UST Hospital ang kanyang asawang si Luzviminda dahil sa tama rin ng bala sa tagiliran.

Kasunod ng pagsuko ng suspect, ginawan naman ng paraan ng MPD bomb squad na i-defuse ang granadang hindi pumutok.