Tondo fire victims crowd evacuation center

Posted at May 15 2012 10:07 PM | Updated as of May 16 2012 06:07 AM

Kung relief ang pag-uusapan, wala namang reklamo ang mga evacuee dahil natutustusan naman daw ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng mga nagdo-donate ang kanilang mga pangangailangan.

Pero kung tanungin mo sila tungkol dito sa evacuation center, maraming reklamo ka na maririnig.

Unang tapak pa lang sa Delpan Sports Complex, ramdam na ang nakulob na init at ang umaalingasaw na amoy ng pawis.

Nagsisiksikan sa loob ang may higit 5,000 nasunugan sa Isla Puting Bato noong Biyernes.

Ang mga evacuee, walang tigil ang pagpaypay.

Ang ilang mga bata, nag-aalboroto na sa init.

Pero para kay Virgie, patibayan na lang daw ng sikmura kaysa kumalam ang tiyan.

“Sa awa ng Diyos, nakakatawid-gutom. Sa palagay ko po pare-pareho na kami ng amoy. Isa lang naman gripo namin, pila-pila kami maligo,” sabi ni Virgie.

Dito kasi sa complex, tatlong beses sa isang araw silang pinapakain ng lokal na pamahalaan.

Para maibsan ang problema sa palikuran, nagpadala na ang mga awtoridad ng mga portalet.

Iyon nga lang, problema pa rin ang pagligo dahil iisang banyo lang ang mayroon.

Ang ilang evacuee, hindi na makatiis sa complex kaya't nagsibalikan na sa Isla Puting Bato, tulad ni Aling Joneva na tinapalan ng lona at mga tela ang nasunog na bahay.

Kahit ganito ang sitwasyon, mas komportable raw sila rito ng kanyang mga anak at mga apo.

“Sobrang masikip na sa complex at mainit. Nagkakasakit ang mga bata kaya mas gusto namin dito kahit naka-lona,” sabi ni Joneva.

Si Maricel naman, iniwan muna ang mga anak sa mga nagbabantay sa complex habang naghahanap ng pambili ng lonang ipantatapal sa natupok na bahay.

“Para kahit may pantabing kami. Hindi kasi talaga namin alam kung hanggang kailan kami doon,” sabi ni Maricel.

Hindi pa tiyak kung saan at kailan ililipat ng tirahan ang mga evacuee.