Quezon City kidnap attempt foiled

Posted at May 08 2012 11:21 PM | Updated as of May 09 2012 07:21 AM

Tatlong bata pa ang sinasabing nakita sa loob ng van.

Ayon sa kapatid ng biktima, tinangka pang tumakas ng mga bata sa van.

Dahil naman sa pangyayari, naghigpit na ng seguridad ang mga residente ng nasabing subdivision dito sa Mindanao Avenue.

Alas-7 kagabi nang tangkaing dukutin ng ilang lalaking sakay ng isang berdeng van ang isang apat na taong gulang sa subdivision sa Mindanao Avenue, Quezon City.

Naglalaro ng badminton sa labas ng kalye ang magkapatid na Buboy at Anna nang bigla diumanong huminto ang van at sapilitang binuhat ng mga suspek si Buboy.

Pasakay na sana ng van ang suspek nang naalarma ang walong taong gulang na ate nito at pinaghahampas ng raketa ng badminton ang isa sa mga suspek.

Dito na nabulabog ang suspek at nabitawan ang batang lalaki.

“Naka-mask po tapos lalaki siya, bigla pong nabitawan ang kapatid ko po,” sabi ni Anna.

Ayon kay Anna, may nakita siyang tatlo pang bata sa loob ng van.

“Naka-tape po ang bibig nila tapos nakatali ang likod,” sabi ni Anna.

Nakita rin ng ilang kapitbahay ang berdeng van na umiikot sa kanilang lugar.

Halos hindi makapaniwala ang ina ng mga bata na mangyayari sa lugar nila ang tangkang pagdukot at anak pa niya ang bibiktimahin.

“I’ve learned din my lessons. Siguro kung ganyan dapat sa loob na ang mga bata kasi madilim na eh. May pagkukulang din on my part. Maging vigilant lang tayo,” sabi ng nanay ng mga bata.

Agad naman inalarma ng Quezon City Police District Station 3 sa iba pang presinto ang insidente.

“Ang mga patrolling policemen natin, hindi lang sa isang shift or dalawang shift iikot. Pati ang mga barangay tanod isasama po natin iyan,” sabi ni SPO1 Marcijoy Nunez ng QCPD Station 3.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring tangkang pagdukot.

Inaalam ngayon ng pulisya kung isang sindikatong nambibiktima ng mga bata ang mga suspek o hindi naman kaya'y isang grupong nais lamang maghasik ng takot sa komunidad.