NAIA brawl video goes viral

Posted at May 08 2012 10:54 PM | Updated as of May 09 2012 01:08 PM

Sa kumalat na video na ito sa YouTube, unang makikitang nakakumpol sa may pader ang isang lalaki at babaeng parehong naka-pink katabi ang mga sikyu ng airport.

Ang babae ay si Claudine Baretto at ang lalaki naman ay ang kaibigan nilang si Eduardo Atilano.

Sa susunod na eksena, makikitang sumugod si Atilano sa nagsusuntukan nang sina Mon Tulfo at Raymart Santiago at inupakan din si Tulfo.

Isang sikyu ang lumapit, kasunod si Claudine. Kitang hinawakan ng sikyu si Raymart, habang natumba naman si Atilano na inuupakan ni Tulfo.

Nang makapalag si Raymart sa sikyu, saka niya nahawakan sa leeg si Tulfo. Dito na rumesbak sina Claudine at Atilano at pinagsusuntok si Tulfo sa mukha habang pigil-pigil ni Raymart si Tulfo sa leeg.

Hindi nagtagal, lumapit na rin ang iba pang mga sikyu at pilit nang pinaglalayo ang mga nagrarambol.

Unang nailayo si Atilano. Pero hawak pa ni Raymart si Tulfo habang inuumbag pa ni Claudine.

Dalawang babae ang lumapit kay Claudine, pati na ang iba pang tauhan ng airport security para ilayo na sila kay Tulfo.

Hindi bumibitaw si Claudine kaya nakakaladkad si Tulfo. Si Raymart naman, sabunot-sabunot si Tulfo.

Nang makabitaw si Claudine, nakasabunot pa rin si Raymart kay Tulfo habang pilit siyang inaawat ng mga sikyu.

At nang mailayo na si Raymart, maririnig siyang sumisigaw na, “Hindi pa ako tapos!”

Naiwan namang nakalugmok sa sahig si Tulfo.

Sa likod, nakatayo si Raymart katabi ng ilang sikyu, nakataas ang kamay at sinasabihan silang huwag siyang hahawakan.

Kusa namang tumayo si Tulfo, at inalalayan ng isang tauhan ng airport papunta sa counter area.

Hindi katagalan, lumakad din si Raymart papunta sa direksyon ng counter na parang sinusundan pa si Tulfo.

Dito na natapos ang ngayo'y kalat na kalat nang video nang sapakan sa NAIA Terminal 3. Atom Araullo, Patrol ng Pilipino