Pacman's kids to watch live his bout with Bradley

Posted at May 05 2012 12:31 AM | Updated as of May 05 2012 10:57 AM

Isang araw bago bumiyahe pa-Amerika, pukpukan pa rin ang ensayo ni Manny Pacquiao sa MP Gym sa Sampaloc, Maynila.

Hindi mawawala ang stretching exercise para maiwasang bumalik ang cramps ng Pinoy boxing superstar.

Kahit pa maganda na ang kundisyon ni Pacman, mas mahirap na training pa rin ang nag-aantay kay Manny sa Los Angeles.

“I've got three rigorous sparring partners who fight just like his opponent. We have a lot of hard work ahead of us,” sabi ni Freddie Roach, coach ni Manny.   

Ayon naman kay Buboy Fernandez, hindi dapat mag-alala ang fans dahil maganda ang kundisyon ni Pacman para sa bakbakan kay Bradley.

“Marami tayong naririnig na hindi maganda. Ako, ipupusta ko isang bahay ko, kung matapang kayo. Ibang Manny Pacquiao ipapakita namin sa inyo, honest 'yan” ani Fernandez.

Para sa malapit kay Manny, maganda ang resulta ng paglalaan ni Pacman ng oras sa pag-aaral ng Bibiliya.

“Nagpapasalamat kami na malaki ang pinagbago ng boss namin, lalo na sa spiritual life niya. Siyempre sabi niya nga, iba ang Manny Pacquiao noon, iba na ngayon,” ani Nonoy Neri, assistant trainer ni Manny.

Natuwa naman si Manny at nagustuhan ni Mommy D ang kanyang birthday gift na isang luxury SUV.

“'Yun ang pinili niya. Tagabayad lang ako,” sabi ni Manny.

Masaya rin si Pacman na sa unang pagkakataon ay makakapanood nang live ang kanyang mga anak sa laban niya sa MGM sa Las Vegas.

“First time 'to. Nagkataon kasi na doon ay bakasyon nila,” sabi ni Manny.

Bukas ng gabi ang biyahe ng Team Pacquiao patungong Los Angeles. Dyan Castlllejo, Patrol ng Pilipino