Hail falls on Quezon City

Posted at May 04 2012 11:48 PM | Updated as of May 05 2012 07:48 AM

Ilang minuto lang naman daw ang itinagal ng pag-ulan ng yelo sa Barangay Holy Spirit at gabutil daw ng mais ang laki nito.

Pero ikinagulat at ikinatakot pa rin ito ng ilang residente.

Tanghali pa lang kanina, kapansin-pansin na paiba-iba ang panahon sa bahagi ng Novaliches.

Makulimlim lang ang langit at hindi umuulan.

Pero sa ilang bahagi ng Quezon City, naging malakas ang pagbuhos ng ulan.

Pagsapit ng alas-3 ng hapon, kakaiba ang naranasan ng mga taga-BF Road sa Barangay Holy Spirit.

Naliligo sa ulan ang ilan nang mapansin na yelo na umano ang bumabagsak imbes na tubig-ulan.

Tumagal din umano ito ng may 10 minuto.

“Parang ‘yung mais, mas malaki pa doon na yelo,” sabi ni Ramon Narciso, isa sa mga residente.

“Natakot kami kasi biglang bumagsak sa bubong,” sabi naman ni Hilda Fortuna.

Ang mga bata, hindi ininda ang pag-ulan ng yelo lalo’t ilang araw na raw silang nagtitiis sa napakainit na panahon.

Ayon pa sa mga taga-Barangay Holy Spirit, noong  nakaraang taon ay naranasan din nila ang pag-ulan ng yelo sa kanilang lugar.

Samantala, dahil sa bugsu-bugsong buhos ng malakas ng ulan, nagdulot naman ito ng matinding pagsikip ng trapiko sa ibang lansangan sa Metro Manila.