EXCL: Cops in fire volunteer shooting sacked

Posted at May 04 2012 11:57 PM | Updated as of May 05 2012 11:06 AM

Pinanood ni PNP chief Nicanor Bartolome ang CCTV footage ng pagpatay sa fire volunteers na sina Ronald Infante at Jenny Almanon.

Naagaw ang pansin niya nang makitang may mga sibilyang pumasok sa crime scene.

Unang nakita sa video ang lalaking naka-puting sando at sombrero na itinihaya ang bangkay ni Almanon.

Sumunod ang isang lalaking mahaba ang buhok, naka-shorts at puting T-shirt.

Sa pag-analisa ng National Bureau of Investigation (NBI), naka-guwantes umano ito at may isinuksok umanong baril sa pantalon ni Almanon.

“Kinakailangan na ‘yung crime scene ay ma-preserve. Dapat pulis mismo ang mangasiwa nito,” sabi ni Bartolome.

Dahil dito, iniutos ni Bartolome na sibakin sa puwesto sina PO2 Elmandy Arconado, PO2 Carmelo Tuzon Jr., PO3 Christopher Abeleda at SPO1 Raul Gerabas ng PCP 3 ng Makati City PNP.

Bukod sa kasong kriminal, pinasasampahan din ng kasong administratibo ang apat.

Lumalabas sa imbestigasyon ng NBI na napagkamalan lang ang dalawang fire volunteer na riding-in-tandem na unang inireklamo ng isang truck driver.

Ayon sa NBI, iba ang kuwento ng Makati police sa mga eksenang nahagip ng CCTV.

Isa na rito ang pagbaril agad ng mga pulis kina Almanon at Infante nang makasalubong nila ang mga ito, gayung pinalabas umano ng mga pulis na bumunot ng baril ang mga biktima.

“Talagang kitang-kita ang kamaliang ginawa nila. Unang-una ‘yung pagsuot nila ng baril sa kapatid ko,” sabi ng kapatid ni Almanon na si Gina.

Una nang itinanggi ng Makati City police na isang rub out at kaso ng mistaken identity ang nangyari kina Infante at Almanon.

Handa raw nilang harapin ang kasong kriminal na isinampa laban sa kanilang mga tauhan.

Mananatili muna ang apat na kinasuhang pulis sa holding center ng NCRPO. Alex Santos, Patrol ng Pilipino