EXCL: PNP warns of new baby kidnapping modus

Posted at May 02 2012 09:44 PM | Updated as of May 03 2012 12:53 PM

Kitang-kita sa kuha ng CCTV kung paano tinangay ng babaeng nakasuot ng pula ang dalawang linggong gulang na sanggol na si John habang abala sa paggo-grocery ang kanyang inang si Jane.

Kuwento ni Mary Jane, nilapitan at nagpakilala sa kanya sa Quiapo ang babaeng nakapula bilang si Jenny.

Inalok daw siyang pauutangin ng P500 at P500 halaga ng groceries.

Dahil kapos sa buhay, pumayag si Mary Jane.

Habang abala siya sa pamimili ay kinarga ni Jenny ang bata.

“Pagkabayad ko sa may cashier, pagtingin ko wala na siya. Noong nawala siya hinabol ko na agad,” sabi ni Mary Jane.

Nag-ikot sa loob ng grocery store si Mary Jane pero naglaho na parang bula si Jenny.

“Nanlalamig po ako na naiiyak po ako. Takot na takot po ako sabi ko ‘yung baby ko, ‘yung baby ko,” sabi ni Mary Jane.

Nanawagan sa dzMM Aksyon Ngayon si Jane.

Agad namang nagbigay ng P5,000 na pabuya ang kanilang kapitan ng barangay at P30,000 naman si Vice Mayor Isko Moreno para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa suspect.

Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko laban sa bagong modus operanding ito kung saan pinapain ng mga sindikato ang pera't groceries sa mga naghihikahos na mga magulang.

Posible raw na may nag-order sa sindikato ng sanggol at na-target agad si Jane matapos siyang manmanang kapapanganak lang.

“Maaari pong ito ay ipa-adopt o kaya ay maibenta po sa mga couples na walang mga anak,” sabi ni Chief Supt. Agrimero Cruz ng PNP National Capital Region.

Nakaalerto na ang pulis Maynila tungkol sa insidente.

Ipinaskil na rin ang larawan ng suspek sa Quiapo, Maynila at puwedeng tawagan ang barangay ni Mary Jane para sa anumang impormasyon. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino