PAGASA: Rains expected before month's end

Posted at May 01 2012 10:21 PM | Updated as of May 02 2012 12:05 PM

Alas-11 pa lang ng umaga pumalo na sa 34 degrees Celsius ang temperatura sa Science Garden ng PAGASA.

Ito ang dahilan kung bakit maraming tao ang lumalabas ng bahay dahil para raw silang piniprito sa loob ng bahay.

“Sobrang init. Hindi na kaya ng ibang tao. ‘Yung iba nga naii-stroke eh. Kumakain na lang ako ng ice candy,” sabi ng isang residente.

Ayon pa sa PAGASA, kadalasang sa unang dalawang linggo ng Mayo nararamdaman ang pinakamainit na klima.

“Kung hindi magbabago ang pattern, maaaring maabot natin ang 37,” sabi ni Marlyn Medina, chief meteorological officer.

"Sa Makati kapag naglalakad ka sa bangketa, puro semento iyon, maaaring at that particular spot or location ay higit pa sa 36 degrees. Puwedeng umabot iyon sa 39 degrees,” sabi ng weather forecaster na si Nikos Peñaranda.

Nakakadagdag din daw sa init ang mga usok ng sasakyan.

Ayon sa isang pag-aaral, umiinit lalo ang klima sa Pilipinas na umakyat ng 0.65 degrees centigrade mula 1951 hanggang 2010.

Pero sa monitoring ng PAGASA, nakikitang umaakyat na ang mga ulap na ito mula sa Timog Asya.

Ito ang hihigop sa mga bagyo at hanging habagat na magdadala ng pag-ulan simula sa huling linggo ng Mayo.

“Kung naiinitan po kayo at sinusumpa niyo ang init, malapit niyo na ring sumpain ang mga bagyo at ulan," sabi ni Peñaranda.

Kanina, ilang bahagi na ng Metro Manila ang inulan.

Ilang residente ang agad nagtampisaw.

Dahil papalapit na ang tag-ulan, hindi na raw magiging problema sa buong Luzon ang supply ng tubig. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino