Fewer flights in NAIA sought

Posted at May 01 2012 10:19 PM | Updated as of May 02 2012 06:19 AM

Mahaba ang pila ng mga eroplano sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ang sinasabing dahilan ng mga delay o kaya pagkansela ng mga flight ngayon sa NAIA.

Sobra-sobra ang flights tuwing peak hours o mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Nasa 36 na flights lamang kada oras ang kapasidad ng nag-iisang NAIA runway.

Pero umaabot na ito ngayon sa mahigit 40 na pa-take off at pa-landing.

Kaya para mabawasan na ang problema, babawasan na rin ang flights kahit siguradong aalma rito ang mga airline company.

“We ask the help ng IATA to intercede para hindi sabihin na pinepuwersa sila ng gobyerno,” sabi ni Ramon Gutierrez, director general ng CAAP.

Nakatakda ring ipagbawal ang paggamit ng NAIA sa mga general aviation tulad ng mga fish run o ‘yung mga eroplanong nagkakarga ng mga seafoods.

Bawal na rin ang mga flying schools sa NAIA.

At para maiwasan ang kanselasyon ng flight, ipinag-utos ng CAAP na magtalaga ang bawat airline company ng spare aircraft sakaling magkaroon ng aberya ang kanilang mga eroplano.

Ayon naman sa Civil Aeronautics Board, ang kakulangan ng imprastraktura ang nakakaapekto sa serbisyo ng airline companies.

"if you are expanding so rapidly then the infrastructure is not sufficient, there will be a breakdown and deterioration of services,” sabi ni Carmelo Arcilla, executive director ng Civil Aeronautics Board.

Inihahanda na rin ng DOTC ang paglalagay ng ilaw at navigational system at pag-develop ng mga paliparan sa mga probinsiya. Alex Santos, Patrol ng Pilipino.