Lim, police expect peaceful Labor Day rallies

Posted at Apr 30 2012 10:08 PM | Updated as of May 01 2012 06:08 AM

Itong mga nagra-rally ngayon dito sa may Welcome Rotonda ay unang bugso pa lang ng inaasahang 20,000 tao na magtitipon dito bukas ng umaga at magmamartsa patungo sa Mendiola para idulog ang kanilang mga hinaing sa gobyerno. Iba pa rito ang mga rally na isasagawa ng mga militanteng grupo.

Sa bisperas ng Labor Day, kaliwa’t kanan na ang paghahanda ng mga militanteng grupo sa bisperas ng Labor Day. Ang Kilusang Mayo Uno (KMU), humulma na ng mukha ni Pangulong Benigno Aquino III. Ibabandera nila ito bukas kasabay ng paggiit ng kanilang mga hinaing ukol sa P125 wage increase, contractualization, pagtigil sa mga demolisyon at pagpapalayas sa mga Amerikanong sundalo sa bansa.

“Almost ready na ang lahat ng placards, streamers at flags. At the same time, doon din sa iba’t ibang federation ng KMU, ” sabi ni Leandro Gerodias, deputy secretary general ng KMU.

Ang grupong Bayan, nagprotesta na kanina sa harap ng Department of Foreign Affairs (DFA) at US Embassy. Kumpara sa mga nakaraang Labor Day, mas marami raw ang lalahok bukas.

“Matindi na ang inabot na problema ng kahirapan. Talagang ayaw nilang itaas ang sahod, at naroon na rin ang kawalan ng satisfaction sa Aquino government,” ani Renato Reyes, secretary general ng Bayan.

Kanina, pinagharap ni Manila Mayor Alfredo Lim ang may 40 labor groups at mga opisyal ng Manila Police District (MPD) para tiyaking walang mangyayaring dahas sa rally bukas.

Ayon kay Lim, “Dapat magkaibigan iyan, e. Hindi iyong parang battle zone, at masasama ang tingin sa isa’t isa.”

Binarikadahan na rin ang Mendiola para walang makalapit. Nakataas na ang full-alert status ng MPD, at pati Armed Forces of the Philippines ay handa na para mag-monitor ng mga banta bukas.

“Nakikita ko na magiging maayos naman bukas, at walang mangyayaring gulo,” sabi ni Alejandro Gutierrez, ang district director ng MPD.

Binalewala naman ng Palasyo ang mga batikos na hindi bumubuti ang lagay ng mga manggagawa sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Ayon kay Sec. Edwin Lacierda, ang tagapagsalita ng Malacañang, “That’s always a contention, anyway. These are professional critics who have nothing good to say about the Aquino administration.”

Samantala, depende pa sa rami ng mga magra-rally bukas ang traffic rerouting na inilatag ng lungsod.

Pero sakaling isara ang kanto ng Recto at Mendiola, ang mga papuntang Recto galing sa Legarda-RM Boulevard ay kailangang kumanan sa Earnshaw at kumaliwa sa Lacson.

Kung galing sa Divisoria ay kakaliwa sa Nicanor Reyes papuntang España, at kung galing sa Ayala Bridge papuntang Recto ay kailangang kumaliwa na sa Carlos Palanca.

Mula rito sa Plaza Miranda ay pupunta itong mga raliyista roon sa Mabuhay o Welcome Rotonda para doon ay magsagawa ng isang noise barrage. Mula roon ay pupunta naman sila roon sa Balik-Balik para roon naman ay magsagawa ng overnight vigil.

Bukas ay magtatagpo ulit sila roon sa Welcome Rotonda para simulan na ang pagmartsa papunta roon sa Mendiola.

Ayon naman sa mga labor leader, paalala nila sa mga lalahok sa rally bukas na magsuot ng light clothes, at magdala na rin ng tubig, pamaypay, payong at tuwalya lalo't tiyak daw na magiging mainit ang panahon bukas.