EXCL: DOH warns vs ballooning number of dog bite cases

Posted at Apr 23 2012 10:27 PM | Updated as of Apr 24 2012 06:27 AM

Napasugod si Aling Pita dito sa San Lazaro Hospital matapos makagat ng aso ang limang taong gulang niyang anak na si Andrei habang naglalaro kahapon. Agad niya itong pinaturukan ng anti-rabies at anti-tetanus para mapawi ang kanyang takot.

“Kagabi, nilagnat siya, e. Kaya binalik ko siya ngayon,” ani Pita Pormento, ina ng nakagat ng aso.

Isa lamang si Andrei sa dagsa ng mga nagpapabakuna sa San Lazaro Hospital. Sa rekord ng ospital, dumoble ang bilang ng mga nakakagat ng aso at iba pang hayop ngayong bakasyon.

Sa pagpasok nitong Abril, pumasok na sa 300-500 pasyente ang nagpapaturok ng anti-rabies at anti-tetanus dito sa San Lazaro Hospital.

Ayon sa DOH, kailangang makumpleto ng bata o ng sinumang nakagat ng aso o anumang hayop ang anti-tetanus at anti-rabies vaccine.

Kahapon lang, isang 44-anyos na ginang na taga-Cavite ang binawian ng buhay dahil sa rabies. Naabutan namin kanina ang kanyang anak na magpapabakuna na rin. Kuwento niya, kinagat ng aso ang kanyang ina dalawang buwan na ang nakalipas. HIndi raw ito nagpaturok. Nito lamang Biyernes, dinala na nila ito sa San Lazaro dahil di gumagaling ang urinary tract infection (UTI) at may kakaiba na itong nararamdaman.

“Takot po siya sa hangin, saka sa tubig,” anang anak ng ginang na namatay sa rabies.

Nakumpirma ng mga doktor na may rabies na ang ginang. Pangatlo na siya sa namatay sa rabies ngayong Abril na nakita sa San Lazaro Hospital, kaya mahigpit ang paalala ng DOH.

Ayon kay Dr. Eric Tayag ng DOH, “Mayroon tayong bakuna. Walang nakakaligtas sa rabies.”

Ilan sa sintomas na may rabies ang isang tao ay ang paglalaway, at pagkatakot sa tubig at hangin.

Kapag nakagat ng aso o anumang hayop, hugasan agad ito at magpabakuna agad sa pinakamalapit na animal bite center. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino