Minors among suspected robbers nabbed in Caloocan

Posted at Apr 20 2012 09:06 PM | Updated as of Apr 21 2012 05:06 AM

Mga putok ng baril ang sumalubong sa mga operatiba ng Caloocan police nang subukang hulihin ang mga hinihinalang holdaper na ito sa Barangay Bagong Barrio sa Caloocan kagabi.

Agad nadampot ang limang lalaki habang tinugis ng mga pulis ang dalawa pa nilang kasama.

Maya maya, na-korner din ng mga pulis ang dalawa sa isa umanong hideout sa kanto ng De Jesus at Panday Pira sa Barangay 146.

Hindi na nakapalag ang mga suspek.

Bago nito, hinoldap umano ng grupo ang isang pampasaherong jeep.

Kakaiba din ang modus operandi ng grupo.

“Nakasakay lang sila sa isang tricycle, kunwari nasiraan sila. Kapag may nakita silang nasiraan ng jeep, bababa itong driver. At doon na, tututukan ang driver, papasok ang mga cohorts at lilimasin ang gamit ng mga pasahero,” sabi ni Chief Insp. Rodrigo Soriano ng Caloocan City police.

Kinilala naman ng mga pasahero ng jeep ang mga suspek kabilang ang dalawang menor de edad.

Ang babaeng ito, nagmamakaawa pang ibalik ang green card certificate niya patungong America dahil papaalis na ito sa Linggo.

Tumatanggi man sa bintang, nabawi naman sa kanila ang mga nakaw na cell phone at alahas.

Nakuha rin sa mga suspek ang mga patalim at iba't-ibang kasangkapang gamit sa pinagbabawal na gamot.

Maya-maya, umamin na din ang itinuturong lider ng grupo.

Siya din umano ang nagpaputok sa mga rumespondeng pulis.

“Pangatlo na pong [holdap ito]. Wala akong pera eh may sakit ang anak ko,” sabi ni Gilbert Sacil, isa sa mga suspek.

Bigo naman ang mga pulis na marekober ang baril na gamit ng grupo. Raffy Santos, Patrol ng Pilipino