MMDA doubts '3rd-worst city for driving' tag for metro

Posted at Apr 19 2012 09:30 PM | Updated as of Apr 20 2012 12:31 PM

Kuwestyonable sa MMDA kung ano ang naging basehan nu’ng nilabas na listahan.

Kung ito ba'y patungkol sa disiplina ng mga driver, sa klase ng kalsada, o sa dami ng sasakyan.

Hindi naman daw kasi maaaring ikumpara ang Amerika at Europa sa Pilipinas dahil mas mayayaman ang mga ito at mas may pondo sa imprastraktura.

Pero kanina, mismong si MMDA chairman na ang nakakita ng mga posibleng dahilan kung bakit tayo napasama sa listahan.

Aminado si MMDA chairman Francis Tolentino na hindi lahat ng oras maluwag ang Metro Manila, pero hindi naman daw dapat pumasok sa “world’s worst cities for driving.”

“Gumagalaw naman tayo, so ano dito ‘yung worst driving condition?” sabi ni Tolentino.

Base sa listahan ng travel website na CNNGo.com, pangatlo ang Metro Manila sa 10 pinakamalalang lungsod sa mundo para magmaneho.

Sumunod ang Kamaynilaan sa New Delhi, India na nasa ikalawang puwesto.

Numero uno naman ang Beijing, China.

Kasama rin sa listahan ang Mexico City, Johannesburg, Lagos, São Paolo, Moscow, Toronto, at Monaco.

Inamin ng artikulo na hindi siyentipiko ang pamamaraan ng listahan na kinuha sa IBM’s 2011 Commuter Pain survey, World Bank statistics at Internet sources.

Pero bakit nga ba mabigat ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng Metro Manila, gaya na lang sa EDSA extension?

Ang anim kasing lane nagiging tatlo na lang dahil ginagawang terminal ng jeep ang ilang bahagi ng EDSA.

Hindi rin mawawala ang singitan, gitgitan at mga pedestrian na kung saan-saan tumatawid.

Sa Marcos Highway kanina, isang tricycle pa ang huling tumatawid. Habang si Tolentino, may nakita pa.

“Gaya niyan, kalsada ‘yan ginawang restaurant na,” sabi ni Tolentino.

Pero hindi lang daw disiplina ang problema, patuloy din kasi ang pagdami ng mga sasakyan.

"Subukan mo lagyan ng tricycle, tri-sikad, jeepneys, pedicab at habal-habal ang Paris, baka magkagulo sa Paris at London,” sabi ni Tolentino.

Sa Metro Manila lang, 1.9 million na ang sasakyang bumibiyahe, idagdag pa ang daang libong sasakyang pumapasok mula Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal.

Kanina lang, bumaligtad ang trak na ito sa EDSA Santolan, habang nagbanggaan naman ang dalawang kotse at bus sa may Kamuning, mga aksidenteng nagpapatrapik din sa kalsada.

Ayon sa Palasyo, gumagawa na sila ng paraan para maibsan ang matinding traffic sa Metro Manila.

Ilan sa mga nakatakdang gawin ng DOTC at MMDA ngayon ay magdagdag ng kalsada sa pamamagitan ng mga PPPs.

Magtatayo din sila ng mga terminal malapit sa North Luzon at South Luzon Expressway para ‘yung mga provincial buses ay hindi na pumasok pa sa EDSA. At pangatlo, makikipag-ugnayan daw sila sa LTO para ang pagkuha ng lisensya ay maging mas mahigpit.

Pero kahit daw anong gawin ng gobyerno, kung hindi disiplinado ang mga tao ay walang mangyayari.