EXCLUSIVE: Valenzuela Massacre suspect caught after 11 years

Posted at Apr 18 2011 11:12 PM | Updated as of Apr 19 2011 08:41 AM

Lumapit sa ABS-CBN News ang isang impormante at ibinigay ang kinaroroonan ng isang pulis na suspect sa Valenzuela Massacre noong October 9, 1999.

Ang suspek na si SPO1 Federico Patag ang siya umanong bumaril sa mag-anak sa Lingahan street, Barangay Malanday.

Patay ang mag-asawang Elena at Alyson Dizon. Nakaligtas naman ang mga anak nilang sina Lalaine, 16, at Alan, 17.

Dahil sa tip na ito, agad nagpulong ang PNP-CIDG Anti-Organized Crime Group at tumulak papuntang Ormoc City.

Noong Sabado, natiyempuhan si SPO1 Patag na ngayo'y gumagamit ng pangalang Juanito Tano alias “Jun” at isang retailer ng tropical fish at negosyante ng bigas. Nagbago na rin ang kanyang mukha at bumagsak ang katawan.

Nagpapasalamat naman ang mga survivor sa massacre sa pagkakadakip sa suspek.

"Pagsisihan niya 'yun siguro sa tagal ng panahon," ani Alan.

Nagpasalamat din ang mga biktima sa impormante ng ABS-CBN News.

"Surprised kasi hindi naman po namin inaasahan. Tagal ng panahon, wala naman pong nangyayari ," sabi naman ni Lalaine.

Hiling nila na mahatulan na sa kasong double murder at double frustrated murder si SPO1 Patag. Gus Abelgas, Patrol ng Pilipino