Court inspects Ramgen murder crime scene

Posted at Apr 17 2012 11:04 PM | Updated as of Apr 18 2012 07:04 AM

Bantay-sarado ang anim na akusado sa pagpatay sa aktor na si Ramgen Revilla nang dalhin sa bahay na pinangyarihan ng krimen.

Iniutos kasi ni Parañaque RTC Judge Fortunito Madrona na magsagawa ng ocular inspection sa bahay ng pamilya Bautista kaharap ng mga akusado at ng kani-kanilang mga abogado.

Naroon din si Janelle Manahan.

Emosyonal man, naisalarawan pa rin niya ang mga nangyari.

Nakita sa kuwarto ang isang duguang unan pati na ang sapatos ni Janelle.

“Nagtataka kami bakit hindi ito nasama sa mga ebidensiya at that time. Bakit hindi kinuha ng SOCO?” sabi ni Atty. Claire Castro, abogado nina Norwin de la Cruz at Glaiza Visda.

“Pinabayaan lamang ‘yung crime scene at ngayon ay contaminated na,” sabi ni Atty. Luke Espiritu, isa sa mga abogado ni Janelle.

Isa rin sa mga abogado ng pamilya Bautista ang umamin na may mga natagpuan umano silang mga slug ng bala sa crime scene.

“Hindi pa nila nakita lahat. Ang nakakakita tao namin na na naglinis. May lapse talaga kaya very incompentent ang SOCO investigation dito,” sabi ni Atty. Boy Karingal.

Dagdag naman ng kampo ni Janelle, naiwasan sana ang pagkalat ng sex video nina Janelle at Ramgen kung nai-preserve lang ang mga gamit sa bahay.

“Hindi na dapat nangyari ang mga pangalawang krimen laban kanila Janelle at Ramgen kung sa pagresponde pa lang ng SOCO ay maayos nilang naisagawa ang pagproseso ng crime scene,” sabi ni Atty. Argee Guevarra, isa sa mga abogado ni Janelle.

Bahagya namang nagkasagutan ang magkabilang kampo tungkol sa testimonya ng personal assistant ni Ramgen na si Ronald Ancajas.

Nakita raw kasi nito mula sa bintana ang pagtakas ng magkapatid na Ramon Joseph at Ramona.

“Kapag may lumabas sa pintuan, kitang-kita naman na ‘yan ‘yung exit. Kitang-kita kung sino,” sabi ni Guevarra.

“Napaka-imposible na makita niyang naglalakad ang kapatid ko, on the way papunta doon,” sabi ni Reuben Bautista, isa sa mga kapatid ni Ramgen.

Bukas muli namang nakatakda ang preliminary investigation para sa mag-asawang Gaile Bautista at Hiro Furuyama na isinangkot din sa krimen.

Samantala, ibinasura na ng Parañaque Prosecutor’s Office ang mga kasong isinampa ni Genelyn Magsaysay laban sa mga testigong sina Ronald Ancajas at Ruel Puzon dahil sa kawalan ng ebidensiya. Dominic Almelor, Patrol ng Pilipino