ABS-CBN News

2 suspected Galleria robbers nabbed in Iloilo

Posted at | Updated as of 04/18/12 3:31 PM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Kalahating buwan nag-imbestiga ang Task Force Villa ng Quezon City Police District, at base na rin sa natanggap na tip ng pulisya, natunton sa Iloilo ang mga suspek na pawang mga miyembro umano ng Ozamis robbery hold-up gang.

Armado ng warrant of arrest, nadakip ng pinagsanib na puwersa ng QCPD at Police Regional Office 6 ang dalawa sa pangunahing suspek sa mapangahas na robbery-hold-up sa Robinson’s Galleria mall noong March 29.

Naaresto sina Willy Enriquez alias “Bro” at isang Ereno dela Cruz. Sakay ng motorsiklo ang dalawa nang maharang ng mga pulis sa crossing ng Ubos Poblacion, Ajuy sa Iloilo. Narekober sa kanila ang isang 45 pistol at isang 38 revolver.

Natunton ang dalawa matapos makatanggap ng tip ang pulisya na sa Iloilo nagtatago ang mga suspek. Ayon sa pulisya, positibo ring kinilala sina Enriquez at dela Cruz ng ilang testigo.

“Based doon sa statements ng witnesses namin, sila ang pinpointed na bumaril doon sa security escorts ng teller ng Security Bank,” ani Mario dela Vega, director ng QCPD.

March 29 nang harangin at pagbabarilin ng mga suspek ang team mula sa Security Bank na magde-deliver sana ng pera sa Sanry’s Money Changer sa loob ng Robinson's Galleria mall.

Napatay ang security guard na si Rodrigo Villa habang sugatan naman ang anim na iba pa matapos na maghagis pa ng granada ang mga tumatakas na suspek.

Ayon sa QCPD, ang grupo ng Ozamis robbery hold-up gang ang responsable sa krimen. Tumutugma umano ang mga balang narekober nila sa mga slug na nakuha nila sa mga insidente ng pangho-holdap ng grupo sa Lapu-Lapu City, Cebu noong June 9, 2011; Western Union sa San Pedro, Laguna noong July 9, 2011; Cagayan de Oro noong August 18, 2011; at robbery sa Alabang Town Center noong Pebrero 2012.

“’Yung mga firearms na na-recover namin sa kanilang dalawa will be subjected to ballistics dito sa crime lab sa Camp Crame. ‘Yung firearm na ginamit dito ay common doon sa limang incidents na ‘yon, so may involvement ang particular person na 'yon to these five incidents,” sabi ni dela Vega.

Iniimbestigahan pa rin kung may kasabwat sa mall ang mga suspek.

Sa ngayon, inaantabayanan ang pagdating ng mga suspek dito sa Camp Bagong Diwa, at inaasahan na bukas ay sasampahan sila ng kasong robbery with homicide. Doland Castro, Patrol ng Pilipino