Bagong tren ng MRT-3, sumalang sa test run

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2016 10:55 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Malamig ang air-conditioner, malinis at mabilis ang pinatakbong bagong tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na binili ng gobyerno mula sa Dalian, China.

Pero hindi pa ito nagsakay ng mga pasahero nitong Huwebes ng gabi nang ipasubok ito sa mga mamamahayag.

Ang hakbang ay bahagi ng pagkumpleto sa 5,000-kilometrong test run na nakasaad sa kontrata ng MRT-3, manufacturer mula China at Department of Transportation and Communications (DOTC).

Tatlong bagon ang bumubuo sa train set.

Kasukat ito ng tren na kasalukuyang ginagamit pero may lugar na para sa mga naka-wheelchair at lagayan ng bag sa ilalim ng upuan.

Siniguro ng pamunuan ng MRT-3 na ligtas ang pagpapatakbo ng tren dahil mahigit tatlong buwan itong ininspeksyon mula sa pinakamaliit na detalye hanggang sa signalling system.

Mula sa depot sa North Avenue, isinampa sa riles ang bagong bagon saka umarangkada papuntang Taft Avenue nitong Huwebes.

Mas humataw pa ito mula 40 kilometers per hour (kph) hanggang 65 kph pabalik sa depot.

Una nang naipangako ng MRT-3 na nitong Marso nila patatakbuhin ang tren pero naantala ito dahil hindi nakumpleto ang test run.

Itinanggi naman ng panumuan ng MRT-3 na minamadali ang test run bago ang halalan sa Mayo.

Aminado rin sila na maaari pa ring magkaroon ng aberya ang tren pero handa raw silang tugunan ito dahil mayroon nang nakaantabay na bagong piyesa ng bagon at riles.

Planong patakbuhin ang tren para magsakay na ng mga pasahero sa susunod na linggo.

Inaasahan ring makukumpleto ang inorder na 72 bagon sa Enero 2017.

May budget na rin ang pamalit na elevators at escalator sa mga estasyon.

Mabuting balita rin para sa mga mananakay ang balak ng MRT-3 management na gawing 20 mula sa 16 ang umaandar na tren araw-araw simula Abril 29.

Paunang hakbang anila ito para lumuwag ang bumibiyaheng tren at hindi na humaba ang pila sa mga estasyon na naging kalbaryo na ng mga pasahero.

- Umagang Kay Ganda, 15 Abril 2016