Pagnanakaw sa tindahan, nakunan ng CCTV ng barangay

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2016 09:27 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Huli ang isang magnanakaw matapos makunan sa CCTV ang panloloob nito sa isang maliit na tindahan sa Makati. Ang suspek, mismong kapitbahay ng biktima.

Nagulat ang mag-asawang Jojo at Kim Odulio nang madatnang distrungkado na ang dalawang kandado ng kanilang tindahan sa Barangay Guadalupe Viejo, Makati kahapon ng umaga.

Nagkalat din ang ilan sa kanilang paninda. Nang inspeksyunin ang tindahan, nadiskubre nilang nawawala ang kanilang kalan, baterya ng sasakyan na ginagamit pampailaw sa tindahan, mga sigarilyong nagkakahalaga ng P800 at baryang aabot sa P1,500.

Sinilip ni Kim ang CCTV sa barangay at nalaman na ang mismong kapitbahay nitong si Eric Espiritu ang nakitang umaali-aligid sa tindahan. Maya-maya, isa-isa na niyang binitbit ang mga nawawalang gamit.

Agad nahuli sa karatig barangay ang suspek. Nakita rin umano sa CCTV na kasabwat nito ang kanyang misis.

Masama ang loob ni Kim dahil magkatabi lang ang bahay nila ng suspek at tinutulungan pa umano nila ito kapag may kailangan. Kaya hindi niya lubos akalaing sila pa mismo ang bibiktimahin.

Desididong sampahan ng kaso ni Kim ang suspek para maturuan ng leksyon, lalo't ayon sa barangay, hindi ito ang unang beses na nasangkot siya sa pagnanakaw.

-- Umagang Kay Ganda, 14 April 2016