ABS-CBN News

QC fire leaves 90 families homeless

Posted at | Updated as of 04/12/11 8:25 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Binulabog ng gahiganteng apoy ang mga residente ng BIR Road sa Quezon city 10:30 ng umaga nitong Lunes.

Tensiyonado ang mga residente na nabigla sa bilis ng pangyayari habang sunud-sunod na pagputok pa ang umalingawngaw sa  paligid.

Sumabog pala ang mga tangke ng gas at ang linya ng kuryente doon. Sa lakas ng apoy, nahirapan ang mga bumbero.

Mabilis natupok ang mga bahay na karamiha'y yari sa mga kahoy.

Ang mga residente naman ay kanya-kanyang likas habang isinasalba ang ilan sa kanilang mga gamit.

Tinatayang 90 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Ayon sa Philippine National Red Cross, umabot sa 15 residente at mga bumbero ang nasugatan.

Sa bahay umano ng pamilya Baldon nagsimula ang sunog.

"Kung totoo na baka nagluluto siya na baka napabayaan," ani Santiago Laguna, director ng Bureau of Fire Protection ng NCR.

Ayon sa mga residente, malaki ang posibilidad na sa mga linya ng kurtente dito ang puno't dulo ng apoy.

Matapos ang isang oras, tuluyang naapula ang apoy.

Marami ang nawalan ng tirahan kabilang si Joy Aguilar na nabiktima na rin pala ng sunog nito lamang ikapito ng Pebrero, sa  kabilang bahagi naman ng BIR Road.

Umaasa naman ang mga residente na matutulungan sila ng ibang may mabubuting loob para makabangon. Doland Castro, Patrol ng Pilipino