EXCL: Kin score Makati cops over mechanic's slay

Posted at Apr 10 2012 11:07 PM | Updated as of Apr 11 2012 07:07 AM

Hindi pa rin matanggap ng pamilya Almanon ang pagkamatay ni Jenny, ang mekanikong kasamang nasawi ng fire volunteer na si Ronald Infante nitong buwan sa Makati City.

Pinagbabaril sila ng mga kagawad ng Makati Police matapos mapagkamalang riding in tandem.

Tanging pag-aayos ng mga sasakyan at mga fire trucks ng Manila Setba Fire Volunteer Brigade ang ikinabubuhay ni Jenny.

“Pang-traydor ang ginawa sa kanya,” sabi ni Jeti Almanon, kapatid ng biktima.

Masama rin ang loob ng pamilya Infante sa mga pulis.

Hindi sila kuntento sa pag-relieve lamang kina PO2 Carmelo Tuzon at PO2 Elmandy Arconado na umano'y nakapatay sa dalawang biktima.

“Ngingiti-ngiti pa siya sa video na parang balewala lang,” sabi ng asawa ni Ronald na si Mary Rose.

Pero sagot ng Makati police, wala silang nilabag.

Tumangging humarap sa ABS-CBN News sina Tuzon at Arconado.

Pero giit nila kay Chief Insp. Dexter Castor, umiwas sa kanila ang inirereklamong riding in tandem at bumunot pa ng baril kaya nila binaril ang mga ito.

Dalawang baril ang nakuha sa crime scene at ang isa ay hindi umano lisensyado.

“Noong pinatitigil sila, ayaw nilang tumigil. ‘Yung isa pa nga po ay bumunot pa ng baril,” sabi ni Chief Insp. Dexter Castor, commander ng Makati Police Station 3.

Giit ng Makati police, handa silang harapin ang anumang kasong isasampa laban sa kanila. Pero huwag lamang daw idaan sa pambabastos sa kanilang presinto tulad ng ginawang pagbomba ng tubig sa kanilang presinto noong Huwebes Santo.

Dahil dito, nadismaya si Mayor Jun-Jun Binay at pinamamadali ang pagsampa ng kasong assault, alarm and scandal at malicious mischief laban sa may 200 fire volunteers. Alex Santos, Patrol ng Pilipino