EXCL: Anti-crime group calls Roldan a 'fake prophet'

Posted at Apr 10 2012 11:28 PM | Updated as of Apr 11 2012 05:32 PM

Ang video na ito ni dating Congressman Dennis Roldan habang nagdarasal kasama si Congressman Manny Pacquiao ay nagpakulo ng dugo ng anti-crime crusader na si Teresita Ang See.

Ang grupo ni Ang-See ang nakatutok sa kaso ng kidnap for ransom sa 3 taong gulang na Tsinoy noong 2005 kung saan itinurong mastermind si Roldan.

Sa kabila ng matinding pagtutol ng prosekusyon, pinayagan ng judge na makapagpiyansa si Roldan noong 2006 gayung ang limang kapwa niya akusado ay nakakulong.

Nitong Semana Santa, lumabas ulit sa media si Roldan bilang Christian Bible preacher na labis namang ikinadismaya ng grupo ni Ang-See.

“Parang nagmamabuti siya, para siyang bulaang propeta. Huwag nating gamitin ang Bible, using the name of God in vain na hindi naman dapat,” sabi ni Ang See.

Kuwestyunable rin daw ang timing ng paglabas ni Roldan sa media lalo't papatapos na ang paglilitis sa kaso.

“Pinapalabas niya na isa siyang mabuting tao at maamong kordero. Iniisip niya baka makundisyon din ang isipan ng judge, which will not happen dahil napakatibay ng ebidensya laban sa kanya,” sabi ni Ang See.

Kuwento ni Ang-See, mula nang nakapiyansa si Roldan, nawasak na ang pamilya ng biktima.

“Ang bata lumalaking napakalaki ng trauma. Namatay ang tatay nitong bata sa isang aksidente dahil distracted eh,” sabi ni Ang-See.

Maikli lang naman ang naging sagot ng abogado ni Roldan na si Atty. Orlando Salatandre.

Inihalintulad ni Salatandre si Roldan kay Maria Magdalena noong nagtangka ang mga taong pukulin siya ng bato dahil sa kanyang kasalanan.

Ayon pa kay Salatandre, walang karapatan ang sinuman na husgahan ang pangangaral ng kanyang kliyente tungkol sa Bibliya.

Apela naman ni Ang See sa media na huwag bigyan ng pagkakataon ang diumano'y pagkukunwari ni Roldan. Anthony Taberna, Patrol ng Pilipino