Families take a dip in Manila Bay

Posted at Apr 09 2012 11:57 PM | Updated as of Apr 10 2012 12:54 PM

Sabay ng mainit na panahon, nilubos ng maraming pamilya ang bakasyon.

Ang mga taga-Maynila, hindi na lumayo at gumastos at piniling magbabad sa Manila Bay kahit kasama ng mga naglulutangang basura.

Kanya-kanyang puwesto ang mga pamilya sa pampang para mag-relax at magsalu-salo.

Pero si Mang Remy na dinala ang buong pamilya, hindi nag-aalangan sa sakit na puwedeng makuha sa maruming tubig.

“Kung pupunta pa kami sa ibang resorts, medyo malaki ang gagastusin namin. Maliban doon, kukonsumo pa kami ng biyahe, matagal na oras ng biyahe,” sabi ni Mang Remy.

Isa lang si Mang Remy na hindi pinansin ang walang tigil na babala ng lokal na pamahalaan na pinagbabawal ang paglangoy sa Manila Bay.

Dahil hindi mapigilan ng mga coast guard ang tao na lumangoy dito sa Manila Bay, ang ginagawa na lang nila dito ay nagbabantay at sinisiguro na walang lalayong mga tao mula sa pampang.

Iniiwasan din ng coast guard na madagdagan pa ang bilang ng mga nalunod ngayong Semana Santa, kung saan walo na ang namamatay.

“Pinapabalik natin sila sa mababaw na lugar dahil baka nga ma-entangle sila sa mga basura o kaya’y mapulikat doon sa malayo,” sabi ni Lt. Com. Algier Ricafrente ng coast guard.

Pero sa tala ng ABS-CBN Regional Network Group, umabot na sa 18 ang patay sa pagkalunod.

Kabilang dito ang Romanian na si George Sfintes na nalunod sa Tapiya Waterfalls sa Ifugao noong Miyerkules.

Kasama rin sa sinawimpalad na malunod ang isang bagong graduate ng marine engineering sa Isabela na si Gilbert Subia na nalunod sa ilog. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino