EXCL: Irate firemen blast police station with water

Posted at Apr 09 2012 10:30 PM | Updated as of Apr 10 2012 12:54 PM

Ipinakita ng Makati City Philippine National Police (PNP) ang video na ito na binobomba ng tubig ng may 200 miyembro ng Fire Volunteer Brigade ang kanilang istasyon noong nakaraang Huwebes.

Kinunan din nila ng litrato ang pagkasira diumano ng kanilang mga sasakyan tulad ng gasgas at pagka-flat ng mga gulong.

Ayon sa hepe ng Makati City PNP, sumugod daw ang mga bumbero para isigaw ang hiling nilang hustisya para sa pagkamatay ng kanilang kasamahan na si Ronald Infante.

Si Infante ay nabaril ng mga tauhan ng Makati police noong Abril 1 matapos paghinalaang riding in tandem.

“Napaka-uncalled for noong nangyari kasi sila ang dapat na mga kakampi natin eh, mga fire brigade,” sabi ni Supt. Jaime Santos, hepe ng Makati City PNP.

Hindi lamang mga alagad ng batas ang nagrereklamo kundi pati ang ilang residente rito sa Evangelista Street dahil sa diumano’y pambubulahaw ng mga trak ng bumbero.

Ayon sa mga residente rito, nagdadasal daw sila noong kasagsagan ng Huwebes Santo.

Balak ngayon ng PNP na sampahan ng kaso ang mga sumali sa pagsugod sa kanilang presinto.

“Mananagot ang mga dapat managot. Hindi naman kasi tama na gawin iyon,” sabi ni Santos.

Bagama’t naiintindihan ng pulisya ang damdamin ng mga naulila, dapat daw na idinaan nila sa tamang proseso ang kanilang reklamo.

Ipina-relieve na nga raw nila ang dalawang pulis na nakapatay diumano sa biktima.

Sa panig naman ng Fire Volunteer Brigade, wala silang planong bastusin ang pulisya.

“Hindi po namin kagustuhan po iyon. That is their own individual initiative that is beyond our control,” sabi ni Romualdo Infante, presidente ng Manila Setba Fire Volunteer Brigade.

Giit naman ng mga naulila ng biktima, patuloy nilang babantayan ang kaso hanggang sa mapanagot ang nakapatay sa kanilang kaanak. Alex Santos, Patrol ng Pilipino