EXCL: Collapsed wall crushes 6-year old boy to death

Posted at Apr 04 2012 10:28 PM | Updated as of Apr 05 2012 06:28 AM

Kalunus-lunos ang sinapit ng 6 na taong gulang na si Alfeo Rufo III matapos siyang mabagsakan ng isang gumuhong pader sa St. Bernadette, Camarin, Caloocan kagabi.

Dahil sa bigat ng gumuhong pader, nabasag ang bungo ng bata na agad nitong kinamatay.

Kuwento ng ama ng biktima, naglalaro lang si Alfeo sa loob ng bahay nang bumigay ang pader.

Ginising na lang daw siya ng mga kapitbahay para ibalita ang nangyari.

“Binuhat namin ‘yung pader, madami nga kaming nagbuhat para mahila siya pero nu’ng nahila namin, alam ko wala na siyang buhay eh,” sabi ni Alfeo Rufo Jr., ama ng biktima.

Ayon sa mga residente, sadyang mahina na ang pundasyon ng pader dahil binabaklas umano ng ilang tao ang mga bakal sa bakanteng bahay para ibenta bilang kalakal.

Mariin namang itinanggi ng ama na bakal ang sadya ng bata sa naturang bahay.

“Napakaliit ng anak ko para magtibag siya diyan. Bystander lang siya,” sabi ng ama.

Ayon naman sa may-ari ng bahay, matagal na nilang problema ang pagnanakaw ng bakal sa kanilang bahay.

Sa katunayan, nagsampa na raw siya ng reklamo sa barangay ukol dito.

“Before kasi, it was completely bahay siya, unti-unti ninanakaw siya. Wala naman akong magawa kung ‘di ipaayos ang bakod,” sabi ng may-ari ng bahay na si Frederick Agustin.

Problema ngayon ng pamilya ng biktima kung saan kukunin ang ipagpapalibing sa bata.

Nangako naman ang barangay na tutulungan ang pamilya ng biktima at pahihigpitin ang pagbabantay sa mga bakanteng bahay sa lugar. Raffy Santos, Patrol ng Pilipino