ABS-CBN News

Experts give safety tips for Lenten road travel

Posted at | Updated as of 03/31/12 6:50 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Ayon sa Tollways Management Corporation, itong trapik na nararanasan kanina ay patikim pa lamang, at sa Miyerkules Santo pa, bandang hapon, dadami ang bilang ng mga sasakyan na dadaan dito.

Pero ngayon pa lang ay iniintindi na ng Tollways Management Corporation ang mga biyahero na dadaan sa NLEx sa susunod na linggo at hinahanapan ng paraan kung paano magagawang mas maayos ang biyahe ng mga sasakyan sa panahon ng Semana Santa.

Hindi lahat ng oras ay mabilis at dire-diretso ang takbo ng mga sasakyan sa expressway. At kung matapatan ka ng ganito sa panahon ng Semana Santa, malaking perwisyo lalo sa mga malayo pa ang pupuntahan.

Kaya nga payo ng Tollways Management Corporation, siguruhing nasa kundisyon ang inyong sasakyan.

I-check ang "blowbag."  Ito ang battery, lights, oil, water, brakes, air at gas. At dapat nasa kundisyon din ang driver.

“Kailangan ma-check nila ‘yung katawan nila, ‘yung sarili nila kasi may mga nagda-drive diyan na puyat o pagod. Habang bumabaybay, lalo na kung galing malayo, pag nandito na sa NLEX, pad dire-diretso ‘yung daan, nakakatulog,” sabi ni Robin Ignacio ng Traffic Managemen and Safety.

Sa bawat araw, karaniwan ang 160,000 sasakyang dumadaan dito, at pagsapit ng Miyerkules Santo, posibleng madagdagan pa ang biyahero ng 15 hanggang 20 porsyento mula sa daily average.

Sabi ng TMC, huwag masyadong matutuwa sa luwag ng kalye. Sundin lang ang itinakdang speed limit para hindi madisgrasya.

Karamihan pala ng disgrasyang nangyari sa nagdaang linggo ay mga self-accident.

“Karaniwan lang doon sa aksidente namin is kung hindi sumabog ‘yung gulong, nakatulog ‘yung driver,” ani Ignacio. “O hindi kaya’y nagmamadali, nami-miscalculate ‘yung sasakyan sa harap niya, so nagkaka-rear end collision sila.”

Kung may emergency at kailangan ng tulong, may numerong matatawagan ang motorista at maari ring hintuan ang mga emergency call box sa gilid ng NLEx para humingi ng responde.

May bubuksan na Holy Week express lane dito sa NLEx, at ito’y mangyayari pagsapit ng alas-2 ng hapon, Miyerkules Santo, alas-5 ng hapon Huwebes Santo.

‘Yung mga class 1 vehicles tulad ng kotse, van at jeep na didiretso rin lang sa Dau Mabalacat exit, sa Tipo Road sa Subic, at sa Tarlac exit ng SCTEX ay pwedeng magbayad na sa Balintawak o Mindanao entry para hindi na magtagal sa exit.

Pagdating sa exit ay mag-aabot na lang sila ng stub sa teller at puwede nang dumiretso. Ang intensyon dito ay mabawasan yung transaction time sa toll booth dahil sa karanasan ng Tollways Management Corporation nitong mga nakalipas na taon na karaniwan sa mga exit points sa Dau, Tarlac at Subic nagtatagal ‘yung mga motorista dahil sa haba ng pila ng mga sasakyan.  Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino