EXCL: Probe on as Robinson's mall 'normalizes' after heist

Posted at Mar 30 2012 09:51 PM | Updated as of Mar 31 2012 09:48 AM

Sa amateur video na ito na ibinigay sa ABS-CBN News, makikitang bakas ang dugo, naiwang baril at mga nagkalat na paninda matapos ang nangyaring holdapan sa loob ng Robinson's Galleria mall kahapon.

Pero ngayon, wala na ang bakas ng krimen at business as usual na sa loob ng mall.

Nagbukas na rin ang money changer na target umano ng mga suspek.
 
Nagbalikan na ang mga tao mula sa food court hanggang sa mga tindahan at sinehan.

Pero may mga guwardya na rumoronda at patuloy ang pagbabantay sa entrada ng mall.

Ayon sa pamunuan ng Robinson's Galleria, mula nang magbukas muli ang mall, hindi naman daw naapektuhan ang kanilang negosyo.

“Ganoon pa rin katulad ng dati. Ganoon pa din ang dami ng tao, talagang marami ding namimili,” sabi ni Rose Ann Villegas, public relations officer ng Robinson's Land Corp.

Ang ilang mga namamasyal sa mall, hindi naman natinag sa nangyari kahapon.

“Kung oras mo na, oras mo na. Alangan namang ikulong mo ang sarili mo sa bahay?” sabi ng isang mamimili.

Pero ang ilan, kinukuwestyon ang kanilang kaligtasan sa mall.

"Ang mga security guard medyo kulang yata sa pansin dahil nagagaya yata sila eh. Marami ding mandurukot sa loob ng mall eh,” sabi ng isa pang mamimili sa mall.

Ilang pulis din ang nag-iikot at nag-iimbestiga sa mall.

Iniisa-isa nila ang mga CCTV ng mga tindahan para makakuha ng impormasyon nang makilala ang mga suspek.

Dumating din ang mga taga-NBI.

Una nilang pinuntahan ang lugar kung saan namatay ang isang security guard.

Kinausap din nila ang security ng mall at inaalam kung paano napuslit umano ng mga suspek ang ilang armas sa loob.

“Sobra talagang mabilis, parang isang iglap lang. Siguro mga 3 minutes lang ‘yun eh. Right now, talagang iimbestigahan namin ‘yan,” sabi ni Villegas.

Kanina binakbak ang bahagi ng mall kung saan tumagos ang shrapnel ng granada para pag-aralan ito. Niko Baua, Patrol ng Pilipino