Protesters throw paint at US Embassy

Posted at Mar 29 2012 11:52 PM | Updated as of Mar 30 2012 07:52 AM

Sa harap mismo ng US Embassy pumarada ang mga dyip ng mga magpo-protesta. Hindi na sila itinaboy ng pulis. Sa halip, binakuran na lang para hindi sila makalapit sa embahada ng Amerika.

Sa simula ay puro pagsigaw lang ng slogan kontra sa Amerika ang ginagawa ng mga militante. Pero lahat ay nabulabog nang umulan ng pintura.

Tinamaan din ng pintura ang lente ng aming camera. At sa gitna ng gulo, hindi tumigil ang aming camera sa pagkuha ng tensyonadong eksena ng mga pulis at nagpoprotesta.

Hanggang sa masakote ang isang militante. Pero ayaw ibigay ng mga militante sa mga pulis ang kasama nila na nasugatan sa pagkakahawak sa plate number ng sasakyan kanina.

At nang dadalhin na siya ng mga pulis, pilit mang pumalag ng militante, wala ring nagawa at naisakay din sa police car.

“Dinala namin sa ospital para ma-check natin at masigurado na hindi siya nasaktan physically. That's a procedure before the investigation of persons under custody,” sabi ni Robert Po ng Manila Police District.

Hindi inabot ng pintura ang selyo ng embahada na siyang target dumihan ng mga militante. Pero tinamaan naman ang kotse ng mga pulis pati na ang cameraman ko. Jorge Carino, Patrol ng Pilipino