Ynna Asistio tweets on alleged gun-toting

Posted at Mar 28 2012 10:12 PM | Updated as of Mar 29 2012 01:26 PM

Sunud-sunod ang “tweet” ng anak ni Nadia Montenegro na si Ynna kahapon matapos umano silang gitgitin ng isang armored van at tutukan pa umano ng baril habang binabaybay ang EDSA.

Kuwento ng pamilya Montenegro, pito sila sa loob ng van, halos lahat ay babae maliban sa asawa ni Nadia na si dating Mayor Boy Asistio.

Nagmamaneho ang kapatid ni Nadia na si Tanya.

Katabi niya sa harap ang pamangkin na si Ynna na buhat naman ang isang baby.

Nasa kahabaan sila ng EDSA sa tapat ng Nepa Q-Mart sa southbound lane nang may armored van daw sa gawing kaliwa nila.

At nang makitang maluwag ang daan sa harap ng armored van gumawi ang sasakyan ng mga Montenegro sa kaliwa at sa harap nito.

Agad bumusina ang armored van at nagbigay daan naman si Tanya.

Pero ginitgit pa rin sila ng armored van.

“[Kinabig] niya ‘yung kotse niya, so nu’ng nakita kong kinabig niya, ginanu’n ko din ‘yung car para huwag niya tamaan,” sabi ni Tanya.

Pero mas nagulantang sila nang makitang nakaharap na sa kanila ang shotgun ng security guard sa loob ng armored van.

Nang makaiwas na sila ay muli na naman daw silang ginitgit at inumangan muli ng baril.

“Hindi ko alam kung hahawakan ko ba ‘yung ulo ng inaanak ko o ‘yung daddy ko pipigilan ko, kasi may baril din si daddy,” sabi ni Ynna.

“Sa loob-loob ko naman, agrabyado naman, puro babae ang sakay ko,” sabi naman ng dating mayor na si Boy Asistio.

Pero nagawang kunan ni Ynna ang armored van at may nagbigay umano sa kanila ng impormasyon tungkol dito.

“May nagbigay sa amin ng report na ‘yung armored vehicle was owned by PSBank,” sabi ni Tanya.

Pinaiimbestigahan na ng PSBank at kinakalap ang lahat ng impormasyon para matukoy kung sa kanila nga ang sasakyan. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino