ABS-CBN News

MMDA, LTO inspect bus terminals for Lenten exodus

Posted at | Updated as of 03/29/12 7:07 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Unti-unti nang nararamdaman itong pagdami ng mga pasahero dito sa Araneta bus station kahit maaga pa, dahil ayon mismo sa tala ng pamunuan nitong terminal ay umakyat na ang bilang mula sa ordinaryong 3,000 kapag off-peak sa 5,000 hanggang 6,000 ngayong araw na ito.

Karamihan kasi sa mga naunang bumiyahe ngayon ay mga estudyante na tapos na ang klase sa eskuwela.

Bitbit na ni Yolanda ang tatlo niyang anak papuntang Leyte. Dahil bakasyon na sa eskuwela, sinamantala na nila ang pagkakataon para makauwi nang maaga sa probinsya.

“Pagka-bakasyon, kuha agad ng ticket para hindi na masyadong [makipag-unahan] sa mga tao pagka marami na," sabi ni Yolanda.

Dahil sa unti-unting pagdating ng mga bibiyahe para sa Holy Week ay sunod-sunod na rin ang inspeksyon ng iba't ibang ahensya ng gobyerno. Kanina, dumating sa Araneta ang MMDA at LTO.

Ito na ang ikalawang inspeksyon ng LTO sa mga bus. Nauna na nilang binisita ang mga ito sa kanilang mga garahe. Ito ay para siguraduhing nasa kundisyon ang mga sasakyan.

"Kahit na-inspect ka na sa garahe, pumasa ka na, hindi ibig sabihin pasado ka na rito, so pag na-find out na may defect, hindi na natin payagan ‘yan,” sabi ni Edgar Cabase, director ng LTO.

Dalawang bus naman ang pinigilang makabiyahe dahil sa basag na windshield at lumang gulong.

Ang MMDA naman, nagpakalat ng mga tao para tumulong na rin sa pagbitbit at pagkarga ng mga bagahe ng mga pasahero na bumababa mula sa mga taxi.

"Mag-assist sa mga pasareho para hindi maka-trapik, para mabilis ang daloy ng mga sasakyan,” sabi ng isang MMDA personnel.

Ngayong tutulong na rin ang mga taga-MMDA Sidewalk Clearing Operations Group, inaasahang malilimitahan na ang tagal ng parada ng mga taxi sa limang minuto.

Suspendido naman ang number coding mula Lunes Santo, April 2 hanggang April 9. Ibig sabihin, buong Holy Week ay hindi ipapatupad ang number coding.

Dito naman sa Araneta bus station, bagama't unti-unti nang dumarami ‘yung bilang ng mga pasahero ay maayos pa rin naman ang sitwasyon. Katunayan ay medyo maluwag ngayon, pero ang pinaka-pinaghahandaan ng mga tao dito ay ‘yung araw ng Biyernes, dahil araw din ‘yan ng sweldo at inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero. Zen Hernandez, Patrol ng Pilipino