EXCL: 'Botcha' modus in wet markets exposed

Posted at Mar 28 2012 10:08 PM | Updated as of Mar 29 2012 01:27 PM

Mas peligroso ang lagay ng karne sa palengke kapag panahon ng tag-init.

Pugad ng mikrobyo ang pataas na temperatura kapag summer at mas mabilis ang pagdami ng bacteria.

Regulasyon ng National Meat Inspection Service o (NMIS) na lahat dapat ng nagbebenta ng anumang uri ng karne tulad ng manok, baka o baboy dapat ay may cooler sa puwesto upang pag-imbakan ng binebenta habang hindi pa ito nabibili.

Ayon sa NMIS, ang anumang karne pagkaraan ng walong oras matapos katayin ay nagiging pugad na ng bacteria.

Binantayan ng TV Patrol ang ilang mga palengke tulad ng sa Balintawak, Novaliches, Quezon City at Bulacan.

Sa madaling araw dumadating ang bagong katay na karne.

Matapos ang walong oras, nakalatag pa rin ang hindi nabibiling karne hanggang hapon.

Walang cooler ang karamihan sa nagbebenta.

“Mahal po kasi eh [ang cooler],” sabi ng isang tindera.

Hanggang ngayon ay hanggang paalala na lang muna ang ginagawa ng NMIS sa mga hindi sumusunod habang ang mga mamimili karamihan ay hindi namamalayan na ang kanilang binibili ay hindi na ligtas.

Mayroong tinatawag na “Know Your Meat Caravan” kung saan sa barangay level nagtuturo ang NMIS sa mga mamimili ukol sa kaligtasan ng binibiling karne.

“Unti-unti pong io-orient natin itong mga vendors sa palengke kung ano ang proper handling ng newly-slaughtered meat, chilled and frozen food products,“ sabi ni Dr. Ed Oblena, technical director ng NMIS.

“May bagong administrative order ang Department of Agriculture na kapag frozen ‘yan, regardless kung imported o local, dapat nasa refrigeration siya, may certain degree na dapat doon siya nakalagay,” sabi ni Agham party-list Rep. Angelo Palmones.

Nagbabala si Palmones ukol sa lumang karne na pinoproseso at ginagawang tocino o longganisa na minsan nilang ipinasuri at nakita ang nakakadiring resulta.

“Ibinenta ‘yan sa mga bahay-bahay, doon sa mga backyard processor ng longganisa at tocino. Pagkatapos, syempre may kulay na ‘yun, naitago na ‘yung amoy, ‘yun ang ibinalik sa palengke. Noong natanggap namin ang impormasyon, nagpa-laboratory test tayo, walang pumasa. Lahat positive sa S. aureus at salmonella, E. coli. Iisa ang conclusion, lahat unfit for human consumption,” sabi ni Palmones.

Sa supermarket daw mas ligtas mamili ng karne dahil frozen o malamig.

Ngunit hindi rin daw dapat pabayaang matunaw ang yelo at saka ibabalik ulit sa freezer dahil nabuhay na daw ang mikrobyo nito sa karne.

Samantala, ibinunyag ni alias “Jojo,” isang taxi driver, na tuluy-tuloy ang pagpa-pick up sa kanila mula sa iba't-ibang lugar ng mga botchang karne na half-cooked at ibinabagsak sa maraming palengke.

“Tatawagan po kami, sasabihin na ready na, pupunta agad kami. Tapos kung saan kami madestino, kung Pasig, Pandacan, Blumentritt, Balintawak o Divisoria. Binibigyan kami ng instruction,” sabi ni Jojo.

Sabi ng NMIS, bawal din magbenta ng half-cooked na karne.

Sa ngayon ay may binubuo na Food Safety Bill si Palmones.

“Kailangan po talaga na mayroon tayong buong batas na tutugon sa mga pangangailangan to make sure that the food we bring sa la mesa ay ligtas,” sabi ni Palmones.