ABS-CBN News

Lent exodus seen causing heavy traffic

Posted at | Updated as of 03/28/12 7:33 AM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Bukod sa umpisa na ang bakasyon sa mga eskuwela, mas mahaba rin ngayon ang holiday kaysa noong isang taon.

Nagkataon kasi na magkasunod ang Holy Week at Araw ng Kagitingan kaya inaasahang sasamantalahin ito ng marami para magbakasyon.

Ngayon pa lang, may mga nag-uuwian na sa kanilang mga probinsya para sa Holy Week.

“Naghahabol kami para sa graduation ng anak namin ganoon, Semana Santa, kasi lalong dumadami ang mga pasahero,” sabi ng isang pasahero.

Nasa 800 na dagdag na bus ang humingi na ng special permit para makabiyahe.

Babala naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB): bawal ang overloading sa mga bus.

“’Yung paglagay at pagtanggap ng mga baggages sa loob ng bus, particularly doon sa aisles ng sasakyan dahil ito ay may epekto hindi lang sa convenience ng mga pasahero kung hindi sa safety na rin. Puwede namin suspendihin ‘yung prangkisa ng mga bus companies na magva-violate ng patakaran na ito,” sabi ni LTFRB chairman Jaime Jacob.

Magdadagdag naman ng 22 flights sa mga airport kada araw.

Ngayon pa lang kasi, fully-booked na ang karamihan sa flights.

Pati mga shipping lines, magdadagdag din ng barko.

Pero hihigpitan ang inspeksyon ng mga kargamento.

Maglalagay din ng camera para masigurong tama ang inspeksyon.

“Now there will be an actual recording kung papaano tinali, kung binalanse ‘yung bagahe so that we can have accurate records, hindi ‘yung nagtuturuan,“ sabi ni Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Mar Roxas.

Plano ng DOTC na maipatupad ito maging sa mga terminal ng bus kapag epektibo sa mga pier.

Sa mga tollways naman, inaasahang mahigit sa isang milyong sasakyan ang dadagsa para makuwi sa kanilang probinsya.

Mas mataas sa 800,000 na naitala noong Miyerkules Santo noong isang taon.

Sa mga naghahanap ng alternatibong ruta, puwedeng tingnan ang Facebook page ng TRB.

“There’s step by step instructions together with pictures of where to turn para hindi kayo mawala,” sabi ni TRB executive director Edmund Reyes.

Maaari namang tumawag sa DOTC hotline na 78905 sakaling makaranas ng problema sa biyahe o daan.

Maaari ring tignan ang website na www.ligtasbyahe.org para sa mga schedule ng mga flights at biyahe ng barko.

Para naman ‘di na makadagdag sa problema, pinapayuhan ang mga pasahero at motorista na umalis na ng mas maaga at iwasan na ‘yung mga peak days.

Kadalasan, nagsisimula ‘yan ng Miyerkules hanggang Huwebes Santo.

Kung magdadala naman ng sariling sasakyan, pakiusap ng Land Transportation Office na mag-carpool.

Bukod sa tipid na sa gasolina, makakabawas pa sa traffic sa kalsada.