EXCL: ‘Oslo Gang’ targets MRT, bus passengers

Posted at Mar 27 2012 11:40 PM | Updated as of Mar 28 2012 01:41 PM

Tandang-tanda pa ni Dareil ang eksena ng pambibiktima sa kanya ng binansagang 'Oslo Gang.'

Sa dulas ng diskarte sa pandurukot ng mga miyembro nito, natangay sa loob lamang ng 10 segundo ang kanyang iPhone 4 unit sa MRT-Cubao.

Papasok na raw siya ng tren nang itulak paloob ng isang lalaki at tuluyang siksikin ng limang iba pang kasabwat.

Bahagi ng modus operandi ang pagsigaw ng isang lalaki na nakuha ang cellphone mo.

Dahil inakalang nasa labas ng tren ang mandurukot, dali-daling humabol ang biktima para makalabas sa noo'y papasara nang pintuan ng tren.

Hindi na niya nabawi ang unit dahil umandar na ang tren kasama ang limang suspek.

Pero naaresto ang isang suspek na si Ruel Balmonte.

“Pagkalabas ko, bigla siyang tumakbo ulit sa northbound naman. Umakyat siya roon, sumigaw na ako sa guard na magnanakaw iyon. Hinabol ko rin siya,” kuwento ni Dareil.

Sa presinto ay nakausap niya ang isa ring nabiktima habang pababa ng MRT-Cubao.

Inaresto ang isang suspek na si Cedric Mondragon.

“Nagte-text siya eh. Tapos tinulak siya palabas, kinuha ang phone,” sabi ni Dareil.

Umamin sa krimen ang dalawang nahuli.

“Pinasa lang po sa akin noong kasama ko dati tapos wala na hindi ko na makita ngayon,” sabi ni Balmonte.

“Ngayon bibiyahe lalo na sa Semana Santa, kailangang maging aware sila sa mga katabi nila,” sabi ni SPO4 Allan dela Cruz ng Anti-theft and Robbery Section ng Quezon City Police District (QCPD).

Patuloy naman ang pagtugis ng QCPD sa mga nakatakas pang miyembro ng grupo. Doland Castro, Patrol ng Pilipino