8-year-old shot dead in Baseco home

Posted at Mar 28 2012 12:03 AM | Updated as of Mar 28 2012 08:26 AM

Galit na galit na sinabon ni Manila Mayor Alfredo Lim ang 3 suspek sa pamamaril sa isang pamilya sa Baseco, Tondo. Napatay sa pamamaril ang isang bata at nasugatan naman ang isa pa. Nagdadalamhati ngayon ang ina ng biktima na kakauwi lang mula pagtatrabaho sa Qatar. Nagpa-Patrol, Jeff Canoy. TV Patrol, Marso 27, 2012, Martes

For Nokia: Napatay sa pamamaril ang isang bata at nasugatan naman ang isa pa sa Baseco, Tondo. Nagdadalamhati ngayon ang ina ng biktima na kakauwi lang mula pagtatrabaho sa Qatar.

Puno ng ngiti at pagmamahal para sa ina. Ito ang mensahe na natanggap ni Joselinda mula sa kanyang 8 taong gulang na anak na si RJ habang nagtatrabaho sa Qatar.

Pero ang ngiting ito, hindi na makikita pa uli ni Joselinda. Sa pagbalik kasi niya sa Pilipinas, bangkay na lamang ni RJ ang sumalubong sa kanya.

Nabaril si RJ at ang kanyang 4 na taong gulang na pinsan sa loob mismo ng kanilang bahay.

Kasama ng dalawang bata ang tiyahin sa bahay nang mangyari ang pamamaril. Ayon sa tiyahin ng biktima na si Russell, siya raw ang balak barilin ng mga suspek dahil sa ginagawa niyang trabaho sa Baseco kung saan kabilang siya sa mga nag-o-organize ng proyektong pabahay ni Manila Mayor Alfredo Lim.

“Malungkot po, kasi ako po ang dahilang kung bakit namatay siya,” sabi ni Russell.

Kanina, hinarap ang tatlong naarestong suspek kay Mayor Lim kasama ang nabiktimang pamilya. Mariin namang tinanggi ng mga suspek na sila ang namaril.

“Hindi ko po ‘yun kalaban talaga,” sabi ni Romeo Esguerra, isa sa mga suspek.

“Ikaw ang sinungaling eh. Tatawa-tawa ka pa diyan. ‘Di ba no bail ‘to? Ikulong 'to habang mabulok doon,” sabi ni Mayor Lim.

Isa lamang ang kaso na ito sa sunud-sunod na napapabalitang krimen sa lungsod ng Maynila, pero nilinaw ng hepe ng MPD na hindi tumataas ang karahasan sa kanilang nasasakupan.

“Isolated ‘yan eh, kaya lang kailangan natin bigyan ng pansin. Kailangan maputol na ‘yang mga kalokohan na ganyan,” ani District Director Alejandro Gutierrez.

Patung-patong na kaso ang haharapin ng tatlong suspek, pero para kay Joselinda, hindi na nito maibabalik ang pagkakataon na muling makita ang ngiti ng anak. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino