EXCL: Gang targets deaf kids

Posted at Mar 26 2012 11:04 PM | Updated as of Mar 27 2012 11:41 AM

Ibinulgar ng isang batang may kapansanan ang modus operandi ng tinaguriang "Kidnap Pipi" gang. Ito ay isang grupo ng mga kalalakihan na bumibiktima ng mga batang pipi at bingi para gawing sex slave o pulubi. Exclusive, nagpa-Patrol, Jay Ruiz. TV Patrol, Marso 26, 2012, Lunes

Sa isang paaralan ng mga batang may kapansanan sa Quezon City, takot ang namamayani sa mga guro, magulang at mga estudyante.

Kamakailan kasi muli na namang umatake ang kilabot na grupong binansagan ng ilan sa mga biktima na “Kidnap Pipi” gang – isang grupo na dumudukot umano sa mga batang may kapansanan, partikular ang mga pipi at bingi.

Sa pamamagitan ng kanyang mga drawing at sign language, ikinuwento ng honor student na si "Aubrey" kung paano siya dinukot.

"Noong February 9, sa school ng ala-1, naghintay ako ng jeep, tapos may tumakip sa mukha ko, tapos may pinaamoy, bigla akong nakatulog. Nagising ako, nakagapos na," ani Aubrey gamit ang sign language.

Nang magising daw siya sa may bandang Luneta, agad siyang nagpupumiglas kaya't natanggal niya ang tali at tumalon sa jeep. Dahil maraming tao, hindi na siya hinabol ng mga kidnapper.

“May nakita akong lalaki, may binunot na knife, na-hold up ako,” sabi ni Aubrey.

Ilang oras pa ang nakalipas ay nakatagpo siya ng barangay hall kaya't natawagan ang kanyang mga magulang.

Pero ganoon na lang ang sama ng loob ng ina ni Aubrey dahil hindi naman daw sila inasikaso ng mga pulis nang i-report nila ang nangyari sa bata.

Ani Helen (hindi tunay na pangalan), “Nabaliwala na nga sila, kinakawawa pa. ‘Yung mga deaf kasi, sa totoo lang, na-discriminate sila eh.”

Isinumbong naman sa amin ng mga SPED teachers na hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ang ganitong insidente.

Noong isang taon, isang deaf student din daw ang ginawang sex slave sa loob ng 3 buwan.

“Sila ‘yung tina-target dahil nga hindi sila nagko-cause ng commotion. Maski grupong magsama-sama ‘yan, kung kunin silang lahat, hindi naman nakakasigaw ‘yang mga ‘yan eh,” sabi ng guro ni Aubrey na si “Corazon.”

“Last year kasi, meron pa kaming 2 students na talagang naka-line up for kidnapping. It so happened ‘yung isa naka-fly na nga,” dagdag ng isa pang guro na si “Gina.”

Isang whistle for alarm ang isinusulong na programa ng mga SPED teachers para sa kanilang estudyante.

Naghahanap din ang mga SPED teachers ng isang kumpanya na makakatulong na makapag-set up ng isang help desk na puwedeng takbuhan ng mga inaabusong batang may kapansanan. Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino