Photo of dog tied to SUV raises furor online

Posted at Mar 13 2012 11:27 PM | Updated as of Mar 14 2012 07:36 PM

Mabilis kumalat sa social networking sites kahapon ang isang larawan kung saan nakasuksok sa isang malaking sako at nakatali pa ang bibig ng isang aso habang nakalambitin sa spare tire ng SUV.

Nakarating sa Philippine Animal Welfare Society o PAWS ang larawan at agad umaksyon sa anila'y hayop na naging biktima na karahasan.

“It’s clearly something na maka-classify mo na pang-aabuso ng hayop. It can be punishable by 6 months to 2 years na imprisonment,” sabi ni Charlene Laxamana, administrative officer ng PAWS.

Matapos makipagugnayan sa Land Transportation Office, pinuntahan ng PAWS ang bahay ng may-ari ng itim na sasakyang Nissan na may plakang BDK 617.

Pinuntahan ng PAWS ang bahay ng may-ari ng itim na sasakyan para bigyan ng sulat tungkol sa nangyari.

Nakarating sila sa isang pribadong subdivision sa Quezon City kung saan nakapangalan ito sa kumpanyang Apollo International Cagayan Trading Corporation.

Isang nagngangalang Atty. Jose Yap ang nagmamay-ari ng bahay na nasa corporate address.

“Unfortunately wala raw sa bahay ang owner ng vehicle noong time na pumunta kami doon. Pina-receive namin sa kasambahay ang letter and now we're waiting for them to communicate back to us,” sabi ni Laxamana.

Dagdag ng PAWS, kinumpirma raw ng kasambahay na pamilyar siya sa tinutukoy na sasakyan.

Pero nang puntahan ng ABS-CBN sa village, pinigilan na kami ng security guard dahil na rin anila sa abiso ni Atty. Yap.

Ayon sa mga opisyal ng barangay at ng village, walang Nissan Safari na may plakang BDK 617 ang pamilya Yap.

Ayon pa sa mga taga-barangay, isinugod sa ospital si Atty. Yap matapos mag-alta presyon nang madawit sa nasabing report.

Ayon naman sa PAWS, ipinagtataka nila kung bakit hindi sila kinontak ng mga Yap para itanggi ang mga akusasyon. TJ Manotoc, Patrol ng Pilipino