Phivolcs warns residents near fault lines

Posted at Mar 10 2011 11:15 PM | Updated as of Mar 11 2011 12:09 PM

Ito ang Barangay Putatan sa Muntinlupa City. Isa ito sa marami pang lugar sa Metro Manila na dinaanan ng fault line.

Natatakot ang mga residente dito dahil nagkakabitak-bitak ang kanilang mga bahay at unti-unti ring lumulubog.

“Itong bahay ko '95 lang noong ipinatayo ko iyan. Dalawang hollow block ang taas niyan sa kalsada pero ngayon nga ay lubog na,” sabi ni Eduardo Bombasi na residente ng barangay.

“Talagang nakakatakot lalo na sa mga bata, baka biglang iyan ay gumuho. Nakikita mo nasa ilalim na yan,” sabi ni ni Gerry Arciaga na residente din ng barangay.

Binalaan ni Phivolocs Director Renato Solidum ang mga residente na nasa ibabaw ng fault.

“‘Yong lugar na malapit sa fault, 2 ang puwedeng maging epekto. Una ang pagbitak ng lupa so wala na tayong engineering intervention doon. ‘Yong pangalawa, at most, ito yung major na hazard, ‘yong groundshaking na posibleng magdulot ng pag-collapse ng building, ‘yon ang ating babantayan,” sabi ni Phivolcs Director Renato Solidum.

Ang ilan sa mga subdibisyon na dinaanan ng fault line sa Marikina ay ang Loyola Grand Villas, Loyola Subdivision, Cinco Hermanos Subdivision, Don Juan Subdivision, Industrial Valley Subdivision at St. Ignacius Village. Kasama rin ang White Plains Subdivision at Doña Ana Village sa Quezon City.

Ayon naman sa isang structural engineer, kahit gaano katibay ang pagkakagawa ng bahay ay magigiba rin ito kung nasa ibabaw ng fault.

“Hindi siya kakayanin ng gusali na maging buo pa rin. Mahahati ang gusali or ang bahay. Lahat ng mga bahay na nakatayo or mga bahay na nakatayo sa ibabaw ng fault line, kailangan kayong lumikas na,” sabi naman ni Eng’r Rani Ison.

Sa kabila ng mga babala sa residente ng Barangay Putatan, ayaw pa rin nilang iwan ang lugar dahil wala raw malinaw na paglilipatan sa kanila.

“Wala namang dumarating na tulong eh. Wala namang nagbibigay ng tulong sa amin eh. Dati noon eh magbibigay yata ng hanggang 30,000 (pesos), kaya lang wala namang malilipatan, ano maipapatayo doon,” hinaing ni Federico Flor, residente ng Barangay Putatan.

“Ang sabi ko, 'Mayroon ba kayong paglilipatang lugar?' Iyon nga raw ang problema, eh iyan nga kako ang problema niyo. Kayo taga-gobyerno, dapat 'pagka kayo nagpunta sa ano diyan, kinakailangan handa kayo. Kaya hanggang sa ngayon ganito kami rito,” dagdag pa ni Bombasi.

Kung kayo ay ngdadalawang isip pa kung ano ang mangyayari sa inyong bahay o istraktura kung nasa ibabaw ng fault line, puwede naman kayong magsadya sa Phivolcs.

Bukas po, sasagutin natin ang tanong na nakahanda ba o naghahanda ba ang mga ahensiya ng ating pamahalaan kung sakali at mangyari nga ang "The Big One."