EXCLUSIVE: Carjacking victim in Manila freed in Laguna

Posted at Mar 02 2011 10:31 PM | Updated as of Mar 03 2011 12:45 PM

Hindi na mapigilan ni Mang Alexander Dolatre na maging emosyonal nang makita ang anak na si Ian Keith.

Ito’y matapos ang limang araw na paghahanap.

Natagpuan si Ian Keith na naglalakad at tila wala sa sarili ng Sta. Cruz, Laguna Police sa Barangay Bubukal noong Lunes nang gabi.

Tumulo na lang ang luha ni Ian Keith, habang ikinukuwento ang sinapit noong Pebrero 23 nang gabi.

Nagmamaneho raw siya pauwi sa bahagi ng Osmeña Highway sa Maynila nang may 3 lalaking lumapit sa kanya at sapilitang kinuha ang sasakyan.

"Tinutok iyong baril sa akin," aniya.

Hiningi raw ng mga ito ang ATM at pin niya, pero wala silang nakuhang pera.

Hinala ng pulisya, ito ang dahilan kung bakit matagal na binihag ng mga suspek ang biktima.

"Pinalampas nila iyong suweldo eh, baka may pumasok nang pera," ani Senior Supt. Gilbert Cruz, provincial director ng Laguna Police.

Hindi naman na pinasukan ng suweldo ng kumpanya ang ATM niya sa hiling ni Mang Alexander.

Dagdag pa ni Ian Keith, pinoposas at pinipiringan siya sa mata tuwing bumibiyahe, at ikinulong siya sa isang kuwarto saka pinapainom ng gamot na pampatulog.

Ito raw ay hanggang sa inabandona na siya ng mga kidnapper, at binigyan pa ng baryang pamasahe.

Samantala, itinaas na ang alarma para sa tinangay na 2008 Toyota Vios na may plakang ZPY851. Francis Faulve, Patrol ng Pilipino