Hospital officials, staff face raps for alleged wrong HIV diagnosis

Posted at Feb 22 2011 11:28 PM | Updated as of Feb 23 2011 07:28 AM

Taong 1998 nang ma-diagnose si Jed Dragg, 32 anyos, na HIV-positive sa San Lazaro Hospital pero nang muli siyang magpasuri sa San Lazaro noong October 30, 2009, negatibo na siya sa HIV. Negatibo rin siya sa HIV base sa pagsusuri sa kanya ng Research Institute for Tropical Medicine noong November 4, 2009.

Naniniwala si Jed na nagkamali ang San Lazaro.

"It may be the reagent or must be the kit, o nagka-switch ang blood sample, and I am not sure about it but the definitely it really made a mistake… there is no really a cure for HIV, so how could it happen?" aniya.

Dahil dito, nais ni Jed na papanagutin ang San Lazaro Hospital dahil sa pagkawala ng kanyang trabaho at hindi pagiging normal ng kanyang buhay.    

Sinampahan ni Jed ng kasong administratibo sa Ombudsman, Professional Regulation Commission at Philippine Medical Association ang sampung opisyal at staff ng San Lazaro na pinangunahan ni Dr. Arturo Cabanban, ang dating medical center chief ng San Lazaro Hospital.

Sa National Reference Laboratory for HIV sa San Lazaro Hospital ginagawa ang screening test para sa mga pasyente na gustong malaman kung sila ba ay negatibo o positibo sa sakit na HIV. Dito rin ginagawa ang confirmatory para makatiyak ang isang pasyente.

Iginiit din ng mga namamahala ng laboratoryo ng San Lazaro na hindi sila nagkamali. Pulido umano silang magtrabaho. Sinagot na rin nila ang akusasyon ni Jed sa ombudsman. Pero nagbabala sila na may posibilidad na bumalik ang sakit ni Jed.

Siniguro naman ng Department of Health na mailalabas nila ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa kaso ni Jed. Alex Santos, patrol ng Pilipino